‘God has his perfect time for us’: Pagkatapos ng 12 years, Juancho Triviño nakapagtapos na sa kolehiyo

Imahe mula kay Juancho Triviño via Instagram
  • Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ng Kapuso actor na si Juancho Triviño na nakapagtapos na siya sa kolehiyo pagkatapos ng 12 na taon
  • Natapos niya ang kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship mula sa De La Salle University
  • Kuwento ni Juancho, hindi madali ang kanyang mga pinagdaanan sa loob ng 12 na taon dahil pinagsabay niya sa pag-aaral ang karera sa showbiz

Ilang taon mo tinapos ang kinuhang kurso sa kolehiyo? Apat? Limang taon? Paano kung mahigit sampung taon na ay hindi ka pa rin nagtatapos sa kolehiyo? Ipagpapatuloy mo pa ba ang pag-aaral? O bibitawan na lamang ang pinapangarap na diploma?

Imahe mula kay Juancho Triviño via Instagram

Para sa Kapuso actor na si Juancho Triviño, kahit pa inabot siya ng 12 na taon sa kolehiyo, ninais pa rin niyang makapagtapos upang mabigyang karangalan ang mga magulang at magkaroon ng patutunguhan kahit na mayroon na siyang karera sa industriya ng showbiz.

Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Juancho ang mga larawan sa kanyang graduation ceremony at maski noong nag-uumpisa pa lamang siya sa kolehiyo. “Finally! I graduated! Allow me to share my story,” ang inilagay na caption ng aktor kasama ang mahabang mensahe.

Ayon kay Juancho, taong 2009 nang pumasok siya sa De La Salle University, “as you can see iba pa hitsura ko, not only that may malaking box pa yung mga monitor ng mga computer.” Subalit sa kalagitnaan ng kanyang pag-aaral ay tumigil si Juancho upang ipursigi ang kanyang acting career.

Imahe mula kay Juancho Triviño via Instagram

Hindi naman agad nawala ang kagustuhan ng aktor na makapagtapos sa pag-aaral, “a couple of years after, I decided to go back, to, against all odds finish my degree in DLSU as a cross enrollee from DLSU-STC, other than the fact that I realized that life is not one dimensional.”

“I wanted to finish what my parents worked so hard for me to go through, to put me in a good school and to provide for us,” dagdag pa ng 27-anyos na aktor. Upang makabalik sa pag-aaral ay naging working student si Juancho — pumapasok nang walang tulog at nabubuhay na lamang sa kape. May pagkakataon din umano na dumiretso siya sa eskuwelahan pagkatapos ng shooting sa probinsya.

“After 12 years, natapos din, kahit via zoom lang ang graduation ko after all those years of waiting,” inialay ni Juancho ang natanggap na diploma sa Maykapal at sa kanyang mga magulang. ” I also want to encourage others, there’s always rainbow after the rain. It might not be the ideal time for me but God has his perfect time for us.”