Estudyante sa Japan na tumangging isuot nang tama ang face mask, na-disqualify sa university entrance exam

Imahe mula Freepik at iStock
  • Isang estudyante sa Japan na kumukuha ng university entrance exam ang nadiskwalipika matapos tumangging takpan ang kanyang ilong at bibig sa pagsuot ng face mask
  • Ayon sa unibersidad, ilang beses pinaalalahanan ng exam supervisor ang nasabing estudyante na magsuot ng face mask subalit hindi niya ito sinunod
  • Sa Japan, pinapayagan lamang ang mga estudyanteng kukuha ng pagsusulit na walang suot na face mask kung mayroon silang medical conditions

Bagama’t mayroon nang vaccine panlaban sa COVID-19, mahalagang matandaan na isa sa mga paraan upang hindi na lumaganap pa ang coronavirus ay ang striktong pagsunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask lalo na kung nasa pampublikong lugar.

Imahe mula Freepik

Sa Japan,  inilunsad na ang unang round ng nationwide standardized university entrance exams sa ilalim ng istriktong pagpapatupad ng anti-coronavirus measures tulad ng pagpapaalala sa mga estudyante na kukuha ng exam na magsuot ng face mask habang nasa exam center.

Ang nasabing exam ay ginanap sa 681 venues sa buong Japan at naitala na nasa 535,245 na mga aplikanteng estudyante ang kumuha ng pagsusulit, ayon ito sa ulat ng National Center for University Entrance Examinations sa Japan.

Subalit isang estudyante ang na-disqualify hindi dahil sa hindi siya nakapasa sa exam, kundi dahil hindi niya sinunod ang isa sa mga istriktong health protocol — ang tamang pagsuot ng face mask upang matakpan ang ilong at bibig.

Imahe mula Freepik

Ayon sa inilabas na ulat ng National Center for University Entrance Examinations, isang estudyante mula Tokyo ang hindi na pinayagan pang kumuha ng exam matapos siyang madiskwalipika dahil sa pagtanggi niyang suotin nang tama ang kanyang face mask.

Pitong beses umanong pinaalalahanan ng exam supervisor ang nasabing estudyante na ayusin ang pagsusuot ng kanyang face mask, subalit hindi niya ito sinunod. Hindi rin umano nagkulang ang center sa pagpapaalala sa mga estudyante tungkol sa istriktong health protocols na nakasaad sa kanilang website at ipinamahaging leaflets.

Binalaan din umano ng exam supervisor ang nasabing estudyante sa ika-pitong pagkakataon na pagpapaalala dito na magsuot ng face mask na maaari siyang ma-disqualify kapag hindi niya ito sinunod.

Ayon pa sa center, pinapayagan lamang nila ang mga estudyanteng kukuha ng exam na hindi magsuot ng face mask kung ang mga ito ay may nararamdamang medical conditions. Sila ay kukuha ng pagsusulit sa ibang kuwarto basta’t sasabihin lamang nila sa center isang araw bago ang kanilang itinakdang exam schedule.