DepEd nagbabala tungkol sa ‘donation scam’ gamit ang pangalan ng kagawaran at miyembro ng kanilang Executive Committee

  • Sa isang Facebook post, nagbigay babala ang Department of Education kaugnay sa natanggap nilang ulat tungkol sa ‘donation scam’
  • Ayon sa DepEd, may ilang grupo na gumagamit sa pangalan ng kagawaran at mga miyembro nito upang makakolekta ng tulong pinansyal
  • Mariing sinasabi ng DepEd na walang sinumang grupo o indibidwal mula sa kanilang kagawaran ang pinapayagang manghingi ng pera bilang tulong

Hindi maipagkakailang mas lumaganap ang pagkakaroon ng online scam matapos magkaroon ng lockdown at mapilitang manghingi ng donasyon ang maraming Pilipino lalo na sa social media.

Imahe mula sa Department of Education

Dumagdag pa rito ang mga nagdaang bagyo sa bansa kung saan maraming grupo ang nagsagawa ng donation drive at nanghingi ng mga donasyon online. Marami man sa mga ito ay lehitimong mga grupo at talagang tumutulong sa mga nangangailangan, mayroon pa rin mga mapagsamantalang tao na ginamit ito upang makapanloko.

Ngayon naman ay nauuso ang isang “donation scam” na ang idinadawit namang pangalan ay ang Department of Education at ang mga miyembro nito na nasa matataas na posisyon.

Sa kanilang Facebook page, nagbigay ng babala ang DepEd tungkol sa nagaganap na donation scam gamit ang pangalan ng kagawaran.

“DepEd pinag-iingat ang publiko matapos makatanggap ang Kagawaran ng mga ulat patungkol sa malisyosong gawain ng ilang grupo na ginagamit ang pangalan ng Kagawaran ng Edukasyon, ng Kalihim, kaniyang kawani at mga miyembro ng Executive Committee upang makapangalap ng tulong pinansiyal.”

Imahe mula sa Department of Education

Mariing sinabi ng DepEd na walang sinumang indibidwal o grupo mula sa kagawaran ang pinapayagang manghingi ng tulong pinansyal, ” lalo na kung nakakabit dito ang pangalan ng Kalihim,” ang nakasaad pa sa post ng DepEd.

“Bilang pampublikong institusyon, sinusunod ng DepEd ang mga kaukulang pamantayan at direktiba mula sa Commission on Audit sa mga donasyon,” ayon pa sa kagawaran.

Kung sakaling maka-engkuwentro ng kahina-hinalang transaksiyon tulad ng donation scam mula sa mga nagpapakilalang taga-DepEd, maaari anila itong iulat sa DepEd Central Office sa pamamagitan ng sumusunod na contact details (02) 8636-1663 , (02) 8633-1942, o magpadala ng e-mail sa: [email protected]


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: