
- Pinusuan ng maraming netizen ang post ng isang delivery rider sa Facebook dahil sa nakaaaliw nitong kuwento
- Ani ng rider, mayroon siyang delivery para sa isang customer subalit halos 30 minutes umano siyang pinaghintay nito sa labas ng gate ng kanilang bahay
- Buti na lamang at sinamahan umano siya sa paghihintay ng alagang aso ng customer ang rider
Bukod sa mga balita at tsimis, marami rin naman ang makikita o mababasa sa social media na nagdudulot ng good vibes. Ani nga ng ilan, doon tayo sa nagpapasaya sa atin. Kaya naman sa panahon ngayon na mayroong pandemya at isyu sa lipunan, mas maigi kung pagtutuunan ng pansin ang mahahalagang bagay na nagbibigay saya sa atin.

Tulad na lamang ng isang delivery rider na pinaghintay ng kanyang customer nang napakatagal. Subalit imbes na mairita o makasagap ng bad vibes, inaliw na lamang ng nasabing delivery rider ang sarili habang tila nakikipaglaro din sa ‘bantay’ ng bahay.
Ibinahagi ng ‘Aja Deliveries’ rider na si Buboy Delmonte sa Facebook group na “DOG LOVERS COMMUNITY PHILIPPINES (OFFICIAL)” ang larawan ng isang asong sumalubong sa kanya matapos maghatid ng order sa isang bahay sa Bacoor, Cavite.

Kuwento ni Buboy, hindi pa handa ang tatanggap ng pakete at halos 30 minutes din siyang naghintay sa labas ng gate ng customer. Buti na lamang umano at sinamahan siya ng alagang aso ng customer.
“30mins ako pinag-antay ng costumer ko, pero pinasaya ako sa kakyutan ng bantay nya,” ang inilagay na caption ni Buboy. Dagdag pa niya, “sa tagal ko nang delivery boy, dito lang ako super natuwa sa sumalubong sa akin hahaha!”

Nakaaaliw naman ang mga reaksyon ng netizen sa post ni Buboy. Marami ang nagbahagi ng larawan ng kanilang galit na aso, “kapag sa amin ka nag-deliver, ito sasalubong sa’yo! Kaya takot mga rider dito mag-deliver, eh. Pinapalapag ko na lang [‘yung package] sa ebike,” ani ng isang netizen kalakip ang larawan ng galit na alagang aso.
Samantalang marami rin ang nakyutan sa alagang aso ng customer ni Buboy. Kahit unang beses pa lang umano magkita ang dalawa ay naging sweet na sa kanya ang alagang aso na madalang lamang mangyari. Ayon naman sa ilang netizen, mayroon umano talagang aso na gustong-gusto makihalubilo sa mga tao.