
- Nilinaw ng National Quincentennial Committee (NQC) ang tamang pagbaybay sa pangalan ng makasaysayang pinuno ng Mactan
- Kung noon ay ginagamit ang pagbabaybay na “Lapu-Lapu,” nilinaw ng NQC na ang tamang pagsulat ng pangalan ay “Lapulapu”
- Batay sa pagsusuri, ang pangalang isinulat ni Antonio Pigafetta sa kaniyang akda na Magellan-Elcano expedition ay “Çilapulapu”
Mahalagang pag-aralan natin ang kasaysayan ng Pilipinas upang lalong maintindihan ang ating mga pinagmulan at pagsisimula ng kultura ng ating bansa. Kalakip ng pag-aaral sa kasaysayan ay ang pagkakaroon ng tama o tiyak na impormasyon na nagmula sa mga lehitimong akda o sa mga eksperto.

Bukod sa taon at lugar, mahalaga rin na tama ang pagkakaalam natin sa mga pangalan ng importanteng mga personalidad na bahagi ng ating kasaysayan. Kabilang na rito ang mga bayani, mga naghimagsik na Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga dayuhan, at mga naging pinuno ng pamahalaan.
Subalit hindi maiwasang magkaroon ng kalituhan lalo na at nagbabago-bago ang mga akda sa pagdaan ng panahon. Isa nga sa mga napansin dito ay ang tamang pagbaybay sa tinaguriang bayani ng Mactan sa Cebu.
Ano nga ba ang dapat, Lapu-Lapu o Lapulapu?
Madalas na makita ang pangalang Lapu-Lapu sa mga libro tungkol sa kasaysayan. Subalit paglilinaw ng National Quincentennial Committee (NQC), ang tamang pagbaybay ng pangalan ay “Lapulapu.”

Kamakailan ay naglabas ng pahayag ang NQC batay sa pagsusuring kanilang ininumite kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, nakasaad rito na: “with the consent of the National Historical Commission of the Philippines (NHCP), the NQC will use ‘Lapulapu’ as the name of the Mactan leader.”
Isa sa mga pinagbasehan ng NQC ay ang isinulat ni Antonio Pigafetta sa kaniyang akda na Magellan-Elcano expedition bilang pagpapangalan kay Lapulapu: “Çilapulapu.” Ang “Çi” ayon sa NQC ay maaaring “ancient honorific title” na “Si” tulad ng ginagamit ngayon sa ating wika kapag may binabanggit na pangalan.

Ayon pa sa mga dalubhasa, ang “Çi” ay ginamit na sinaunang porma ng Hindu title na “Sri,” tumutukoy sa isang “nobleman.” Sabi ng NQC, maski sa 1951 historical marker sa Liberty Shrine sa Lapu-Lapu City ay “Lapulapu” ang nakalagay.
Ang paglilinaw ng pangalan ni Lapulapu ay bahagi rin ng plano upang baguhin ang pangalan ng Mactan-Cebu International Airport. Subalit paglilinaw ng NQC, kanilang iginagalang ang anumang paggamit o pagsulat sa pangalan ni Lapulapu noon.
“What the NQC and the NHCP would like is for the Filipino people to first and foremost, stick to what is written in the historical documents.”