Rocco Nacino naging emosyonal matapos tumulong sa relief operation para sa mga sinalanta ng bagyo sa Bulacan

  • Bilang Navy reservist kabilang ang aktor na si Rocco Nacino sa mga Navy na nagsagawa ng relief operation kamakailan sa Bulacan
  • Matapos matunghayan ang kalagayan ng mga nasalanta ng bagyo sa lugar, naging emosyonal si Rocco
  • Aniya, hindi niya akalain na mayroon pang mga Pilipino na nasa mahirap na sitwasyon kahit ilang buwan na ang nakararaan matapos manalanta ng mga bagyo

Huling linggo ng Oktubre at ikalawang linggo ng Nobyembre nang magkasunod na nanalasa sa bansa ang mga bagyong Rolly at Ulysses.  Iniwan nila ang maraming bahagi ng Pilipinas na lubog sa baha at sira-sirang mga ari-arian at pananim.

Imahe mula kay Rocco Nacino via Instagram

Pagkatapos ng isang buwan, patuloy pa rin na bumabangon ang mga residenteng labis na naapektuhan ng pananalasa ng mga bagyo. Bagama’t marami pa ring mga Pinoy ang hindi pa nakababawi dahil sa pagkakasalanta, patuloy pa rin ang pagkakaroon ng relief operations ng pamahalaan at iba’t ibang grupo.

Kabilang ang Navy sa mga naghatid ng tulong at nagsagawa ng relief operation kamakailan sa mga residente sa Bulacan na sinalanta ng bagyo na wala pa ring makain at mapagtrabahuan.

Bilang Navy reservist na nagtapos noong nakaraang taon, kabilang ang Kapuso actor na si Rocco Nacino sa mga tumulong sa relief operation. Kasama niya ang fiancée na si Melissa Gohing nang magpatupad ng relief effort ang Task Group S.T.A.R.S. ng Navy.

Imahe mula kay Rocco Nacino via Instagram

Sa pagpunta nila sa Bulacan, hindi inaasahan ni Rocco ang madadatnan. Kinakailangan pang sumakay ng bangka upang makapunta sa mga barangay.

“Pati po ako nagulat kung paano lang makarating doon, kailangan talaga bangka. Amoy baha pa rin ‘yung tubig,” ani Rocco.

Ikinuwento rin niya ang tumambad sa kanilang grupo na mga residente na nangangailangan ng tulong.  “Maraming umiiyak po kanina kasi nakatanggap ng ayuda. Nakaka-depress po na may ganu’ng lugar pala po.”

Sa kanilang pagpunta roon, nalaman ng grupo ni Rocco na maraming residente ang nawalan ng kabuhayan dahil nasira ng bagyo ang kanilang mga pananim at palaisdaan.

“Nakakaiyak po, puro matanda, at panay ang pasasalamat. Kaya nu’ng nagsalita po ako kanina, dinaan ko na lang sa pabiro-biro para matuwa naman sila,” kuwento pa ni Rocco.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: