Pasig LGU namahagi na ng Christmas food packs para sa mga residente

Imahe mula sa Vico Sotto Facebook page
  • Naihanda at nagsimula nang ipamahagi ng lokal na pamahalaan ng Pasig ang Christmas food packs para sa mga residente
  • Kabilang sa mga ipinamamahagi ay mga maaaring iluto pang Noche Buena tulad ng spaghetti at salad
  • Sa tala ng Pasig LGU, nasa 360,000 Christmas food packs ang ipamimigay sa mga residente na nagkakahalaga ng mahigit P200-milyon

Sa kabila ng banta ng pandemya at paghihirap ng ekonomiya ng bansa, patuloy pa rin ang paggawa ng pamahalaan ng mga paraan upang matulungan ang maraming Pinoy lalo na sa paparating na Pasko.

Imahe mula sa Vico Sotto Facebook page

Kaya naman isinulong ng Pasig City local government unit ang kanilang programa na “Pamaskong Handog 2020” kung saan ay mamimigay sila ng Christmas food packs sa mga residente upang kahit papaano ay mayroong maihanda ngayong Pasko.

Sa kanyang Facebook page, ibinahagi ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kanilang mga inihandang food packs na ipamamahagi sa libo-libong residente. “Medyo malungkot dahil bawal muna ang mga party… Nandyan pa rin ang banta ng Covid…  Pero gagawin natin ang lahat para maging masaya pa rin sa Pasig ngayong Kapaskuhan,” ang inilagay na caption ni Mayor Sotto.

Imahe mula sa Vico Sotto Facebook page

Sa pamamahagi ng food packs, isa-isa itong ipamimigay ng kanilang tanggapan sa mga barangay sa Pasig. Bago makatanggap, kailangan munang ihanda ng mga residente ang QR code mula Pasig Pass upang mapabilis ang proseso at hindi na nila kailangan pang magsulat bilang katibayan na natanggap na nila ang pamaskong handog. Hindi rin umano nila iaanunsiyo ang schedule ng pamamahagi sa mga barangay upang maiwasan ang pagdayo ng mga hindi residente sa Pasig.

Ibinahagi rin niya ang larawan ng mga naihandang Christmas food packs at ang talaan ng budget na inilaan dito.  Sa budget request ay makikitang nasa 360,000 food packs ang ipamimigay at ang bawat isa nito ay nagkakahalaga ng P565.90. Umabot sa total amount na P203,724,000 ang halaga ng lahat ng food packs.

Imahe mula sa Vico Sotto Facebook page

Ang food packs na nakalagay sa eco bag ay naglalaman ng mga rekado na maaaring iluto ng mga residente sa darating na Noche Buena. Kabilang na rito ang spaghetti, corned beef, Vienna sausage, at mga ingredients na maaaring gamitin sa paggawa ng salad.

Nawa’y magkaroon din ng ganitong klaseng programa sa lahat ng bahagi ng bansa upang kahit sa maliit na bagay ay makapagdala ito ng saya lalo na sa darating na Pasko.