Divisoria muling dinagsa ng mga mamimili; rattan pole ginamit na para mapanatili ang physical distancing

  • Dinagsa muli ang Divisoria ng mga mamimili na naghahabol na makabili ng kanilang mga panregalo o sariling gamit bago mag-Pasko
  • Mahigpit ang ginawang pagbabantay ng mga awtoridad dahil sa dami at dikit-dikit na mga tao sa Divisoria
  • Tiniyak nila na limitado lamang ang sakay ng mga e-trike at gumamit na rin sila ng yantok upang panatilihin ang physical distancing

Isa ang lugar sa Divisoria sa Maynila sa dinaragsa ng mga mamimili lalo na sa buwan ng Disyembre. Bukod kasi sa mura ang mga bilihin dito ay marami pang pagpipilian. Kahit may badya ng COVID-19, marami pa ring mga Pinoy ang namataan na namimili sa Divisoria.

Imahe mula kay Lee Mingo via Facebook

Sa kabila ng pagpapaalala ng mga awtoridad tungkol sa dami ng mga tao sa Divisoria, muli itong dinagsa ng mga mamimili kamakailan at sa pagkakataong ito ay dikit-dikit na ang mga tao sa lugar at hindi na rin nasusunod ang mahahalagang health and safety protocols laban sa COVID-19.

“Napansin namin, dikit-dikit na. Parang normal na ‘yong sitwasyon natin. Hindi dapat ganoon,” ani Lt. Col. Magno Gallora Jr. ng Manila Police District (MPD). Ang MPD ang umiikot-ikot sa Divisoria at tumitiyak na nasusunod ang mga health protocol kontra COVID-19.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

Upang mapanatili ang physical distancing, mayroon nang dalang halos isang metrong haba na rattan pole  o yant0k ang mga tauhan ng MPD bilang panukat ng physical distancing upang hindi magdikit-dikit ang mga tao.

Bukod sa mga mamimili, tiniyak din nila na tama ang sakay na mga pasahero ng e-trike. Isang e-trike ang pinara ng mga awtoridad sa Recto Avenue matapos makitang walang physical distancing sa loob nito dahil apat na pasahero ang nakasakay na dapat ay dalawa lamang. Tinitignan pa ng MPD ang posibilidad na i-impound ang mga pampublikong sasakyan na mahuhuling lalabag sa health protocols.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

Bilang pagpapaalala rin sa mga mamimili, umikot ang mga awtoridad sa Divisioria habang dala-dala ang speaker upang magpaalala ng health protocols. Bukod pa rito, may ibang awtoridad rin na may hawak na karatula na nagpapaalala ng isang metrong distansiya ng mga tao sa isa’t isa.

Muli namang nagpapaalala ang Department of Health na mas maigi nang mag-online shop na lamang sa panahon ngayon upang makaiwas sa COVID-19. Mas maganda nang mapamahal sa mga binili online pero nakaiwas sa COVID-19 kesa nakamura nga sa mga pinamili sa Divisoria subalit gagastos naman ng mahal kung sakaling dapuan ng coronavirus.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: