
- Isang mobile kumpisalan ang isinagawa ng Katolikong simbahan sa Batanes upang mapuntahan ang mga residente sa gitna ng pandemya
- Ayon sa pari na nagsagawa ng kumpisalan, mahalagang okasyon ito para sa mga residente kaya pinilit nilang isakatuparan
- Wala na ulit naitalang kaso ng COVID-19 sa Batanes sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo
Kabilang sa panata ng mga Katoliko ay ang pagkukumpisal o pagsasabi ng mga nagawang kasalanan sa pari bilang kinatawan ni Hesus. Ito ay upang manghingi ng kapatawaran sa mga nagawang pagkakamali at upang makapag-umpisa muli na walang iniindang karamdaman sa kalooban.

Subalit nang magkaroon ng pandemya at ipinagbawal ang pagsisimba at face-to-face na pakikipag-ugnayan ay maraming Katoliko ang ipinagpaliban muna ang pagkukumpisal at nagdasal na lamang at personal na humingi ng kapatawaran.
Para sa isang simbahang Katoliko sa Batanes, mahalagang okasyon ang pagkukumpisal ng mga residente lalo na sa mga bata at kanilang mga pamilya. Kaya naman naisipan nila ang pagsasagawa ng “mobile kumpisalan” kung saan isa-isa na pinupuntahan ng pari ang mga residente na nais magkumpisal.
Sa mga larawan mula sa residente ng Batanes na si Taghap Leonard at ng iba’t ibang news at social media sites, makikita na nakasakay ang pari sa tricycle habang nagbabahay-bahay sa mga Ivatan na mga parokyano.

Nakasuot ang pari ng kanyang abito habang naka-face mask at face shield rin. Ayon kay Fr. Zenki Manabat na siyang nagiikot-ikot gamit ang mobile kumpisalan, sa Ivatan tricycle na rin isinasagawa ang pagkukumpisal ng mga residente na nakasuot din ng face mask.
May dalang alcohol at ekstra na face mask din si Fr. Zenki upang ibigay sa mga residente na nais magkumpisal subalit walang face mask.
Ayon sa Department of Health (DOH), tanging ang Batanes ang maituturing na zero COVID-19 cases pa rin sa buong bansa dahil wala na ulit naitalang kaso sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo.