‘Bayanihan nakaabot rin sa mga hayop’: OVP nagbigay ng pet supplies sa Philippine Animal Rescue Team

  • Kabilang sa bayanihan relief operation na ipinatupad ng Office of the Vice President ay ang pagbibigay ng donasyon para sa mga hayop
  • Mula sa mga ibinigay na donasyon, nag-turnover ang tanggapan ng mga pet supplies sa isang animal rescue team
  • Kabilang sa mga ibinahagi ay pet beds, disinfectant powders, at dog food

Walang piniling biktima ang mga nagdaang kalamidad sa bansa kamakailan. Dahil bukod sa mga tao, pati rin mga hayop ay naapektuhan at nasalanta. Kaya naman hindi lamang mga residente ang nangailangan ng tulong kundi maski rin ang mga hayop at alagang hayop.

Imahe mula sa VP Leni Robredo Facebook page

Bukod sa ligtas na tirahan lalo na sa mga napabayaang hayop, kinakailangan din nila ng mga makakain at gamot. Matatandaan na maraming hayop ang napabayaan noong nagdaan ang mga bagyo at ang ilan sa kanila ay nawalan ng buhay.

Kaya naman mas pinalalakas ng maraming grupo at ahensya ang mga programa upang mapangalagaan ang mga hayop lalo na sa gitna ng mga sakuna. Ito rin ang naging layunin ng Office of the Vice President sa pangunguna ni VP Leni Robredo na magkaroon din ng bayanihan para sa mga hayop.

Sa Facebook page ni VP Leni, ibinahagi niya ang ginawang pagbibigay ng donasyon sa isang animal rescue group. “Ang ating pagbabayanihan, nakaabot rin sa mga hayop na kailangan ng kalinga,” ang nakasaad sa post ng OVP.

Imahe mula sa VP Leni Robredo Facebook page

Nag-turnover ang tanggapan ng mga pet supplies sa Philippine Animal Rescue Team (P.A.R.T.), isang grupo na nangangalaga ng aabot sa 600 na mga hayop—mula sa aso, pusa, kabayo, at kambing, hanggang sa mga manok, pato, pabo, at pagong.

Kabilang sa mga ibinahaging pet supplies ay ang 473 pet beds na ibinigay ng University of the Philippines Mountaineers, limang kahon ng disinfectant powders mula sa San Miguel Animal Health Care, at dog food mula sa iba’t iba organisasyong nakikiisa sa kanilang relief efforts.

Imahe mula sa VP Leni Robredo Facebook page

Ayon sa OVP, napinsala ang Phoenix Animal Welfare, Education & Adoption Center ng P. A. R. T sa Maulawin, Quezon. Kaya naman malaking bagay sa mga inaalagaan nilang mga hayop ang ibinigay na mga donasyon.

“Lubos ang ating pasasalamat sa ating partners at donors, sa pagsuporta hindi lamang sa ating kapwa, kundi maging sa iba pang nilalang na nangangailangan ng pag-aruga, lalo sa mga panahong ito,” pahayag ng OVP.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: