
- Tampok sa ABS-CBN news ang isang klase ng samgyupsal na hindi gawang karne kundi gawa sa mga gulay
- Ang ‘vegan’ samgyupsal na ito ay isang ‘guild-free’ na pagkain na maaaring kainin ng mga vegetarian sa panahon ngayon na marami ang handaan
- Gawa ang vegan samgyupsal na ito sa gulay, prutas, soya, at kabute
Isa na marahil sa mga impluwensiya ng kultura ng Korean sa Pilipinas ay ang kanilang mga nakatatakam na pagkain na swak din sa panlasa ng mga Pinoy. Ang mga pagkain na ito ay tampok din sa mga programa at drama na kinahuhumalingang panoorin ng maraming Pinoy.

Kabilang sa mga labis na kinahuhumalingan ngayon ng mga Pinoy ay ang pagkain ng “samgyupsal,” ang grilled pork belly o karne sa tiyan ng baboy na inihaw sa griller. Bukod sa samgyupsal, iba’t ibang uri pa ng karne at putahe ang maaaring lutuin sa griller kasama ang iba’t ibang Korean side dishes.
Masarap man kumain ng samgyupsal at naglipana man ang iba’t ibang unli samgyupsal restaurants, hindi naman ito nakabubuti sa kalusugan lalo na at punong-puno ito ng fats at carbohydrates.
Kaya bukod sa unli samgyupsal na mga restaurant, nagkaroon na rin ng kauna-unahang vegan samgyupsal restaurant na matatagpuan sa Pasig City. Ito ay itinampok ng ABS-CBN News at ipinakita kung saang putahe gawa ang vegan samgyupsal.

Nadiskubre ng vegan na si Jana Sevilla at ng kanyang mga kaibigan na kasapi ng People for the Ethical Treatment of Animals o PETA ang vegan samgyupsal restaurant kung saan makakakain sila nang “guilt-free” at healthy na mga putahe.
Kuwento ni Sevilla, walang kahit ano mang hayop ang kinatay para lang makakain sila ng masarap sa vegan restaurant.
“Wala rin siyang kung anu-anong kemikal na makakain. Walang antibiotics, hormones, preservatives,” dagdag pa niya.

Ang tila “karne” ng vegan samgyupsal na ito ay kombinasyon na gawa sa sa gulay, prutas, soya at kabute, ayon sa vegan chef ng restaurant na si B Camposano. Aniya, maaaring kainin ang ilang putaheng nakagawian ng mga Pinoy tulad ng kare-kare at pata tim nang hindi gumagamit ng karne.
Maging ang mga kasama ng vegan samgyupsal na keso, mayonnaise, salad dressing at pastries ay gawa sa kasoy na kanilang imbensyon.
“Mas masaya ‘pag marami tayong nase-save, marami tayong pinapahaba ang buhay,” ani Chef Camposano na aminadong iba pa rin ang lasa ng mga vegan na luto kumpara sa tradisyunal na pagkain.