
- Tungkulin ng mga magulang ngayong walang face-to-face learning na turuan ang mga anak lalo na sa COVID-19
- Upang matulungan ang mga magulang, isang grupo ang gumawa ng activity book na layuning magbigay ng impormasyon sa mga bata tungkol sa coronavirus
- Libre na mada-download ang naturang activity book na naglalaman ng mga crossword puzzles, guessing games, at mazes
Lahat ng tao sa mundo ay sumunod sa naging new normal dulot ng pagkalat ng COVID-19 sa buong daigdig. Dahil sa pangyayaring ito, naging mahirap para sa maraming tao ang mamuhay nang hindi naaayon sa nakagawian—kabilang na ang mga bata.

Sa panahon ngayon na walang face-to-face learning, inaasahan na ang mga magulang ang magtuturo at magbibigay gabay sa kanilang mga anak hindi lamang sa mga aralin kundi sa mahahalagang impormasyon na rin tungkol sa COVID-19.
Mahalaga na malaman ng mga bata paano makakaiwas sa coronavirus at ano ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at shield, at ang pagdi-disinfect.
Upang matulungan ang mga magulang na magbigay impormasyon sa mga bata tungkol sa COVID-19, ginawa ng grupong Medecins Sans Frontieres (MSF), o kilala rin sa tawag na Doctors Without Borders, ang isang children’s activity book.

Layunin ng activity book na ito na may title na “What Can You Do About COVID-19?” ay ang makapagbigay ng impormasyon at aral sa mga bata tungkol sa COVID-19. Ito ay naglalaman ng iba’t ibang crossword puzzles, guessing games, at mazes na nagpapaliwanag sa mga bata kung paano nila mapoprotektahan ang sarili laban sa virus.
“The activities show how children can protect themselves from it, and teach them about some of the tools healthcare workers use to treat the disease,” ani Polly Michelle Cunanan, regional communication manager for MSF Southeast and East Asia and Pacific, sa kanyang panayam sa ABS-CBN News.

Bukod sa pagbibigay impormasyon, mae-engganyo rin umano ang mga bata na gawin ang activity book, “the language is simple, and the artwork is cheerful and engaging, so that children can have fun coloring, drawing and writing,” dagdag ni Cunanan.
Bukod sa mga medical experts na gumawa sa activity book, nakipagtulungan din sila sa internationally acclaimed Filipino artist na si Elbert Or para sa layout at illustrations.
Ang “What Can You Do About COVID-19?” ay available sa mga lenggwaheng English, Filipino, Bahasa Indonesia at Malay at libreng mada-download sa MSF website.