Sa kabila ng kapansanan, lalaki, nagawa pang magpadala ng pera bilang donasyon sa mga nasalanta

  • Ibinahagi ng isang netizen ang larawan ng lalaking may kapansanan na pumunta sa kanilang money remittance center
  • Maski may kapansanan ay hindi naman ito naging hadlang sa lalaki para makapagbigay ng donasyon lalo na sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses
  • Nagpadala ng pera ang nasabing lalaki bilang tulong sa mga nasalantang Pinoy noong bumagyo

Walang pinipili ang kagustuhang tumulong sa kapwa—kahit sino ay may karapatang tumulong, mayaman, mahirap, bata, o matanda. Maski ang mga taong may iniindang kapansanan ay maaaring makatulong sa sarili nilang paraan.

Imahe mula Facebook

Ito ang napatunayan ng isang person with disability (PWD) mula Batangas matapos ibahagi ng isang netizen ang kanyang kuwento patungkol sa ginawang pagtulong para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses.

Sa kanyang Facebook account, ibinahagi ni Mikel Ebreo ang mga larawan ni Vener Lucero habang ito ay nasa remittance center kung saan nagtatrabaho si Mikel. ““Flex ko lang po ang isa sa may mabuting puso, si Kuya Vener Lucero ng Barangay Mabini, Lipa City, Batangas,” ani Mikel sa kanyang post.

“Sa kabila po ng kanyang kalagayan ay nakuha pa niyang magbigay at mag-donate sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses, sa pamamagitan ng GMA kapuso Foundation through Cebuana Lhuillier Pera Padala,” dagdag pa niya.

Kuwento pa ni Mikel, hindi lang umano ito ang unang pagkakataon na nakita niya ang kabutihang loob ni Vener.

“Kahit pwede naman siya sa priority lane kasi PWD, matiyaga siya pumipila if ever na may mga nauuna sa kanya. Tsaka wala po siyang reklamo kahit ganun ang kalagayan niya,” ani Mikel sa panayam niya sa Philippine Star.

Imahe mula kay Mikel Ebreo via Facebook

Lalong humanga at tumindi umano ang respeto ni Mikel kay Vener matapos makausap ito nang bahagya.

““Pangako daw po niya sa sarili niya na ‘pag may extra siya kahit maliit na halaga eh tutulong siya. Sabi pa po niya, ‘yung maliit na halaga ‘pag pinagsamasama, malaki ang maiitulong,” pahayag ng uploader.

Karamihan sa mga ibinigay na donasyon ni Vener ay mga barya, subalit malaking tulong na ito kung tutuusin. Dahil sa nasaksihang ito, mayroong napagtanto si Mikel: ““Na-realize ko po na bakit kung sino pa ‘yung may payak na katayuan sa buhay, siya ‘yung may busilak na kalooban.”

“I salute you po Kuya Vener, mabuhay po kayo at God bless you po,” ani Mikel at ng marami pang Pinoy na humanga sa kabutihang loob ni Kuya Vener. Nawa’y pagpalain pa po kayo ng Maykapal!


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: