Netizen ginawan ng online shop account ang 71-anyos na lolo na nagtitinda ng polvoron at pastillas, dinagsa ng buyers

  • Isang 71-anyos na lolo na nagtitinda ng candy lollipops malapit sa paaralan ang nawalan ng mga customer dahil sa pandemya
  • Upang mas matulungan pa ang lolo sa pagtitinda, isang netizen ang gumawa ng online shop account ng nasabing lolo upang nationwide na ang maaaring makabili ng kanyang produkto
  • Dinagsa ng online buyers ang mga produkto ni Lolo sa unang araw pa lang nang magawa ang kanyng account

Maraming Pinoy ang humanga sa kuwento ng 71-anyos na si Lolo Angelito Gino o mas kilala sa tawag na Lolo Pops. Siya ay taga Marilao, Bulacan at sampung taon nang nagtitinda ng candy lollipops malapit sa mga eskuwelahan.

Imahe mula sa Lolo lito “lolo lollipop” Facebook page

Noon umano ay natutulog pa si Lolo Pops sa lansangan para lamang matiyak na maubos ang kanyang paninda at magkaroon ng pera para sa pamilya. Subalit dahil sa pandemya, natigil ang kanyang pagtitinda at nawalan sila ng pagkakakitaan.

Noong nakaraang Hulyo nang may grupo ng mga Pinoy na nagtulong-tulong upang magbahagi ng pinansyal na tulong kay Lolo Pops at sa kanyang pamilya. Dahil sa pinagsama-sama nilang donasyon ay nabigyan ang lolo ng puhunan upang mag-umpisa ng bagong negosyo at kasalukuyan na rin silang nagrerenta ng bahay sa Pampanga.

Dahil hindi maaaring makalabas ang 71-anyos na lolo, ginawan siya ng online shop kung saan siya nagtitinda ng mga polvoron at pastillas, subalit ang kanyang napagbebentahan lang ay mga nasa Pampanga. Ito ang napansin ng netizen na si Yannie Yhan kaya naman ginawan niya ng online shop account si Lolo Pops sa Shopee upang nationwide na siyang makapagtinda.

Imahe mula Facebook

“Naisipan kong gawan siya ng online store. Yes! Lolo Pops is now an official online seller! Sila po mismo ng anak niya ang magpapack, pi-pick-up-in lang ng rider at direct sa bank account ni Lolo ang bayad n’yo. Hindi na niya kailangan lumabas para magbenta. Bili na po kayo! Delivery NATIONWIDE!” ani Yannie sa kanyang Facebook post.

Nagbigay din siya ng update sa mga buyers na bumili na mula sa online shop ni Lolo Pops. Dalawang araw pa lamang ang nakalipas ay nasa mahigit 600 piraso na ang order na pastillas at polvoron!

Imahe mula Facebook

“Salamat po sa lahat ng nag message. ‘Di ko po ine-expect na madaming naka-appreciate. Patunay lang po na hindi kailangan ng madaming pera para makatulong,” dagdag pa ni Yannie.

Sa mga nais bumili sa online shop ni Lolo Pops, bisitahin lamang ang link na ito: https://shopee.ph/lolopopsph


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: