Nalalapit na ang Pasko, alamin ang mga laruan na may taglay na kemikal at delikadong parte ayon sa EcoWaste

  • Nagbigay babala ang grupong EcoWaste Coalition sa mga Pinoy na mamimili ngayon ng mga panregalo lalo na ng mga laruan
  • Namili ang EcoWaste Colation ng laruan sa iba’t ibang panig ng Maynila at saka nila ito sinuri kung may taglay na kemikal
  • Sa higit 40 na laruan na kanilang sinuri, napag-alaman nilang lahat ay maaaring maging delikado para sa mga bata

Mayroon mang pandemya na kinahaharap ang Pilipinas ay hindi naman nito mapipigilan ang pagdiriwang ng mga Pinoy sa darating na Pasko. Isa sa mga nakagawian na ng nakararami ay ang pamimigay ng regalo lalo na ng mga ninong at ninang sa kanilang inaanak.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

Kaya naman para sa darating na Pasko, lumibot ang environment group na EcoWaste Coalition at namili ng mga laruan sa iba’t ibang bahagi ng Maynila kung saan mayroong nagtitinda ng mga laruan.

Ang mga laruan na kanilang binili ay kanilang isinailalim sa inspeksyon upang matukoy kung ang mga ito ay may kemikal o may parte na delikado sa mga bata. Sa kanilang pagsusuri sa nasa 44 na laruang kanilang binili, wala ni isa rito ang nakapasa at lahat ay delikado umano para sa mga bata.

Ang isang laruan na kanilang ininspeksyon ay nagtataglay ng isang klase ng plastic additive na isinasama sa paggawa ng laruan para ito lumambot. Subalit ang kemikal umano na ito  ay ipinagbabawal dahil ito’y makasisira sa reproductive system.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

Mayroon ding natagpuang lead sa mga laruan na isang klase naman ng kemikal na maaaring makapaminsala sa utak ng mga bata. Marami rin sa mga laruan ang may maliliit na bahagi o parte na maaaring malunok o pumasok sa ilong o tainga ng mga bata.

Mahirap para sa mga mamimili na makilatis kung aling mga laruan ang nagtataglay ng delikadong mga kemikal, kaya ani ng EcoWaste, responsibilidad ng mga nagtitinda na tiyaking ligtas ang mga produktong kanilang ibinebenta.

May karapatang kumpiskahin ng Food and Drug Administration (FDA) at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga laruang nagtataglay ng delikadong kemikal at hindi pumasa sa kanilang pamantayan.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: