‘Kahit pagkain lang’: Mga katutubo na nasalanta ng bagyong Quinta, hindi pa rin naaabutan ng tulong

  • Dumadaing ang ilang mga katutubo mula sa Oriental Mindoro na nasalanta noon pang nanalasa ang bagyong Quinta dito sa bansa
  • Hindi pa kasi nahahatiran ng tulong maski pagkain man lang ang mga katutubo na kumakain na lamang ng tanim nilang saging
  • Ayon sa MDRRMO, hindi mahatiran ng tulong ang mga katutubo dahil sa hirap ng daan papunta sa kanilang lugar

Bago pa nanalasa ang super typhoon Rolly dito sa bansa ay una nang nakapaminsala ang bagyong Quinta sa maraming parte ng bansa. Isa sa mga nagtamo ng pinsala ay ang Oriental Mindoro.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Ilang katutubong Mangyan mula sa Barangay Paitan sa Naujan, Oriental Mindoro ang nasiraan ng mga bahay dahil sa bagyong Quinta. Buti na lamang umano at hindi na nagdulot pa ng dagdag na pinsala ang bagyong Rolly sa bayan.

Subalit dumadaing na ang mga katutubo dahil hindi pa umano sila nahahatiran ng tulong simula noong nanalasa ang bagyong Quinta. Sa ulat ng ABS-CBN News, ang ilang mga katutubo sa Oriental Mindoro ay hindi pa nahahatiran ng tulong at nakatatanggap ng ayuda upang muling makabangon mula sa pinsalang naidulot ng bagyo.

“Kahit pagkain lang naman, ‘yan ang gusto naming tulong. Gutom na halos, hindi na kami makalakad sa hirap,” ani Dionisio Ramonay, residente sa Barangay Paitan. Sa mga maliliit na saging at mga pananim na lang din umano sila umaasa ng makukuhang pagkain.

Image mula PNA

Ayon naman sa chairperson ng Barangay Paitan na si Bernardo Lintawagin Jr.,  apat na sitio pa ang hindi nararating at nabibigyan ng tulong dahil sa dami ng mga natumbang puno.

Dagdag pa niya, nasa tatlong araw ang aabutin kung lalakarin papunta sa mga sitio na ito at mahihirapan din na makatawid dahil sa taas ng tubig sa ilog. “Kami po sana ay tulungan kahit na po ‘yong panandaliang pagkain lang ho sana habang kami ay muli nagtatanim,” ani Lintawagin.

Imahe mula kay Leni Robredo via Facebook

Ayon sa Naujan Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO), nasa limang barangay pa ang hindi mabigyan ng tulong dahil sa hirap ng daan patungo dito. Ang mga barangay na ito ay  ang Banuton, Caburo, Malvar, Montelago, at Paitan.

Ganun pa man, pinaghahandaan na nila ang pagpunta sa mga barangay na ito subalit dahil sa problema sa pondo ng lokal na pamahalaan, titiyakin muna umano nila kung sino ang mga nararapat makatanggap ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Quinta.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: