‘Kapit ka lang kukunin din kita’: Rescue volunteer iniligtas ang isang aso

  • Isang rescue volunteer ang nagkuwento ng kanyang mga naging karanasan matapos manalasa ang bagyong Ulysses sa kanilang lugar sa Montalban, Rizal
  • Ayon sa kanyang kuwento, madaling araw pa lamang ay abot 3rd floor na ang baha, kaya naisipan niyang lumabas upang sumagip ng mga nangangailangan ng tulong
  • Isa sa kanyang mga nasagip ay ang asong naipit sa baha

Sa mga naunang bagyong tumama kamakailan sa Pilipinas, pinaalalahanan na ng maraming ahensya, grupo, at indibidwal ang mga Pinoy na bukod sa pagsagip sa kanilang sarili ay huwag din kalimutang tulungan ang kanilang mga alagang hayop.

Imahe mula kay Meijie Diaz via Facebook

Kaya panawagan ng marami, huwag hayaang nakatali ang mga alagang aso lalo na kung tumataas na ang tubig sa lugar. Dahil may kakayahan ang mga aso na lumangoy, maaari din nilang masagip ang kanilang mga sarili at makapunta sa ligtas na lugar.

Kamakailan sa pananalasa ng bagyong Ulysses ay marami pa ring viral na litrato na nagpapakita ng na-stranded hindi lamang mga tao kundi mga alagang aso at pusa. Isa rito ay nakuhanan ng litrato ng isang rescue volunteer na kahit pagod na pagod na ay hindi pa rin nag-atubiling iligtas mula sa baha ang isang alagang aso.

Sa Facebook post ni Meijie Diaz na umani na ng 25k reactions at 15k comments, makikita ang isang shih tzu habang sinusubukang makaligtas sa tumataas na tubig ng baha. Nilagyan ito ni Meijie ng caption na: “Kapit ka lang kukunin din kita.”

Imahe mula kay Meijie Diaz via Facebook

Kuwento ni Meijie, matapos i-post ay tinulungan niya rin kaagad ang nasabing alagang aso. “Kinuha ko na rin po agad siya, kaya ko pinost para kung sakaling may makita yung ibang tao, ‘wag mag-atubiling tulungan din yung kagaya nila,” ani Meijie.

Ani Meijie, madaling araw pa lamang ay mataas na ang baha sa kanilang lugar sa Rodriguez, Rizal na umabot na sa 3rd floor. Wala umanong nagtatangkang lumusong sa baha, kaya naman naisipan na niyang gumawa ng paraan, “inisip ko kailangan may gawin ako, kailangan ko magpakita ng tapang para makita din sa ibang tao–tapang na ibayong may pag-iingat.”

Imahe mula kay Meijie Diaz via Facebook

Dagdag rin ni Meijie, madaling araw pa lang ay marami na siyang nasagip na alagang hayop bago pa nasagip si “Ox” na nasa mabuti nang kalagayan. “Mas marami po akong nailigtas na hayop nung madaling araw pa lang.”

Ikinuwento rin niya ang nasaksihang bayanihan sa kanilang lugar sa gitna ng pananalasa ng bagyo.

“Sobrang napangiti ako kasi tulong-tulong talaga yung bawat tao. Kahit hindi nila kapamilya, mas inuna nila yung mga taong na stranded kaysa sa mga gamit nila,” ani ng rescue volunteer.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: