Jeepney na “UP Ikot” nag-transform bilang bridal car, konseptong maipagmamalaki ang kulturang Pilipino

  • Hinangaan online ang isang jeepney na ginawang bridal car ng magkasintahan na ikinasal kamakailan
  • Nag-transform ang isang ordinaryong jeepney bilang bridal car na swak umano sa konsepto na naiisip ng bride na sumasakay ng jeep noong nag-aaral pa siya
  • Ang jeepney ay nilagyan ng mga palamuting pangkasalan tulad ng mga bulaklak at puting kurtina

Naging tradisyon na sa mga bagong kasal na papunta sa simbahan ay isasakay nito ang bride, at pagkatapos ng seremonya ay ihahatid ang bagong kasal sa reception area. Sa makabagong panahon ngayon, nilagyan na rin ng mga kakaibang twist ng mga magkasintahan ang bridal car na kanilang sasakyan.

Imahe mula kay James Parrel Abao via Facebook

Ang iba ay nagkakaroon muna ng photoshoot sa bridal car bago sila nito dalhin sa reception area. Kaya naman ang mga sasakyan na kanilang pinipili ay iyong mapoporma at maganda tignan sa camera.

Subalit kakaiba at maituturing na makabayan ang bridal car na ginamit ng magkasintahan na ikinasal kamakailan. Ang bridal car kasi na kanilang ginamit ay isang jeepney na biyaheng UP Ikot sa Quezon City.

Ibinahagi ng may-ari ng jeepney na si James Abao mula sa Quezon City ang naging major transformation ng kanilang jeepney, na para sa kanya ay naging ‘perfect bridal car.’

Imahe mula kay James Parrel Abao via Facebook

“Na-post ko sya kasi unusual na makakakita tayo ng mga simpleng bagay na i-aapreciate… mga simple ay pwede pala maging maganda… Simple pero may tatak,” ani James.

Dagdag pa niya, malaking tulong ang pagrerenta sa kanilang jeep sa panahon ngayon na mayroong pandemya. Natuwa rin siya dahil sumisimbolo ang jeepney sa kultura ng Pinoy, kaya naman sa pagiging bridal car nito ay tunay na maipagmamalaki ang kulturang Pinoy.

Espesyal din ang jeepney na may biyaheng UP Ikot para sa bride na si Sharmainne Jo G. Arellano-Vidal dahil ito umano ang kanyang sinasakyan noong siya ay nag-aaral. Kaya hindi rin siya nagdalawang-isip na maging bridal car ang jeep na naghatid sa kanya sa simbahan.

Imahe mula kay Chris Galang via Facebook

Sa kanilang pag-rent sa jeep, ang ina umano ni Sharmainne ang naglagay ng mga palamuti at disenyo sa jeep gamit ang mga bulaklak at puting kurtina. Dalawang oras umano inayos ng kanyang ina ang bridal jeepney.

“Komportable po ako sa loob ng jeep plus super excited kasi ang ganda ng pagkakaayos ng Mama ko sa loob at labas ng jeep. Proud din kasi pinagtitinginan siya ng mga tao,” kuwento ni Shairmainne. Dagdag pa niya, ang jeepney ang kumumpleto sa konsepto ng kanyang kasal.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: