Isang nanay ipinagluto ang mga kapitbahay na nagugutom sa gitna ng baha sa Marikina City

  • Sa isang viral Facebook post ay ibinahagi ng isang netizen ang tungkol sa ginawa ng kanyang ina sa gitna ng pagbaha sa kanilang lugar
  • Habang lubog sa tubig ang mga kapitbahay nila at nagugutom na, ipinagluto ang mga ito ng nanay ng netizen
  • Bagama’t simpleng putahe lang ang niluto ay gusto pa rin makatulong ng nanay kahit sa maliit na paraan

Hindi maaalis sa ating mga Pilipino ang bayanihan lalo na sa panahon o oras na marami ang nangangailangan. Hindi lamang pangmaraming tao ang bayanihan kundi maski isang tao lang ay kaya nang makatulong sa kanyang mga kapwa; tulad ng inilarawan sa post ng isang netizen kamakailan.

Imahe mula kay Princess Guarino via Facebook

Pagkatapos i-post sa Facebook, umani na ng mahigit 40,000 likes at 31,000 shares ang litrato ng ina ni Princess Guarino habang lubog sa baha ang kanilang lugar sa Nangka, Marikina City nang manalasa ang bagyong Ulysses.

Kuwento ni Princess, lubog sa tubig ang kanilang lugar at may mga kapitbahay silang nasa bubong na ng kanilang bahay dahil sa taas ng baha. Dahil nasa bubong, walang makain ang mga kapitbahay nila Princess at may mga matatanda at bata na nagugutom na.

“Kahit na baha sa amin ay tumutulong pa rin ang mommy ko para lang makakain ang mga kapitbahay namin na lubog na ang kanilang bahay nagawa pa ng aking mommy na makaluto ng pagkain,” ani Princess.

Imahe mula kay Princess Guarino via Facebook

Dagdag pa niya, kahit lubog din at putikan ang kanilang bahay ay hindi ito naging hadlang upang hindi makatulong ang kanyang ina na si Noemi Guarino, 56 anyos. Ayon kay Nanay Noemi, hindi umano niya matiis ang mga kapitbahay na humihingi ng pagkain dahil sila ay nagugutom na.

Pagkatapos lutuin ang mga hotdog, ay nilagay ito ni Noemi sa isang plastic at nilagyan ng kanin. Pagkatapos ay ibinato niya ito sa mga kapitbahay na nasa bubong habang siya naman ay nasa mataas na palapag ng kanilang bahay.

Ang mga pagkaing agad na hinanda ni Noemi at niluto ay mula sa kanyang munting tindahan. Aniya, hindi hadlang ang kahirapan para makatulong sa kapwa. Kung may kakayahang tumulong sa kahit na maliit na paraan ay gawin ito.

Para naman sa may mabubuting puso na nais tumulong kina Princess, Nanay Noemi, at kanilang mga kapitbahay, mag-message lamang kay Princess sa kanyang Facebook account: Princess Guarino.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: