COVID-19 isolation facility na gawa sa container van, binuksan na sa Las Piñas

  • Binuksan kamakailan ang pangatlong COVID-19  isolation facility sa lungsod ng Las Piñas
  • Ang isolation facility na ito na tinawag na LIGTAS-3 ay gawa sa mga converted container vans na donasyon ng DPWH
  • Mayroong 99 na kuwarto ang isolation facility at sa loob nito ay may isang kama, palikuran, at mayroon din itong air condition

Bukod sa kinahaharap na pagsubok ng bansa dahil sa naging pananalasa ng mga nagdaang bagyo, hindi pa rin nawawala ang COVID-19 pandemic at ang pagkakaroon ng positive cases sa buong bansa.

Imahe mula sa Las Piñas City PIO via Facebook

Kaya sa gitna ng pagkakaroon ng relief operations para sa mga nasalanta ng bagyo ay hindi rin natatapos ang pagkakaroon ng mga proyekto upang labanan ang COVID-19. Isa na rito ang pagkakaroon ng mga COVID-19 isolation facility kung saan maaaring manatili at magpagaling ang mga nagpositibo sa coronavirus at hindi na makahawa pa.

Sa lungsod ng Las Piñas kamakailan ay binuksan na nila ang pangatlong COVID-19 isolation center para sa mga suspected at kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lugar. Pinasinayaan kamakailan ang bagong isolation facility na tinawag na “LIGTAS-3” na matatagpuan sa dating bakanteng lote ng gusali sa Bgy. Almanza Dos.

Kakaiba ang pasilidad na ito na gawa sa 24 na 40-footer container vans na ibinigay ng Department of Public Works and Highways sa lungsod.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Las Piñas, ang isolation facility ay mayroong 99 na kuwarto, at sa loob nito ay may tig-isang kama at palikuran. Hindi rin mainit sa loob ng pasilidad dahil ang bawat kuwarto ay air conditioned.

Imahe mula sa Las Piñas City PIO via Facebook

Sa 99 na kuwarto, 96 dito ay nakalaan para sa mga pasyente habang ang dalawang kuwarto ay inilaan para naman tuluyan ng mga nars at isang kuwarto ang ginawang X-ray room. As of November 17, mayroong 78 active COVID-19 cases sa Las Pinas. Sa kabuuang 4,914 na naging confirmed cases sa lungsod, 4,641 na kaso rito ay naka-recover na.

Ang LIGTAS-3 ang ikatlong isolation facility na itinayo sa lungsod. Nauna nang nailunsad ang Local Isolation and General Treatment Areas o LIGTAS sa mga converted na gusali sa Bgy. Daniel Fajardo at sa Bgy. Talon Uno.

Ayon pa sa lokal na pamahalaan, sa 20 barangay sa Las Piñas, dalawa rito ang walang kaso ngayon ng COVID-19 — ang Ilaya at Talon Kuatro.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: