Alagang 12 ft-long na python na nasawi sa kasagsagan ng pagbaha, na-recover ng may-ari

  • Ipinagluluksa ngayon ng isang lalaki ang kanyang alagang python na hindi niya nailigtas noong kasagsagan ng baha sa kanilang lugar sa Marikina
  • Kuwento ng lalaki, nailigtas nila ang mga alagang aso at pusa subalit hindi nagkasya ang kulungan ng python sa bintana ng kanilang bahay
  • Ang ahas na may habang 12 ft ay anim na taong inalagaan ng lalaki na bigay pa ng kanyang matalik na kaibigan

Hindi lang mga buhay ng tao ang nawawala sa tuwing nagkakaroon ng sakuna tulad ng pananalasa ng mga bagyo dahil maski ang mga alagang hayop ay hindi nakaliligtas sa hagupit ng kalikasan.

Imahe mula kay Mcperson Castro Merto via Facebook

Sa nagdaang pananalasa ng bagyong Rolly sa lungsod ng Marikina, iniwan nitong lubog sa baha ang malaking parte ng lungsod hanggang sa ito ay humupa at makakapal na putik naman ang tumambad sa mga residente.

Maraming ari-arian ang nawala, at maski ang pinakamamahal na mga alagang hayop ng mga residente ay nagdusa dahil sa bagyo. Kamakailan, nag-viral ang post ng isang lalaki patungkol sa alaga niyang phyton na hindi nakaligtas sa kasagsagan ng baha sa kanilang lugar sa Tumana, Marikina.

Sa Facebook post ng username na Mcperson Castro Merto, ipinakita niya ang larawan ng kanyang alagang 12 FT Burmese Python na hindi nakaligtas mula sa hagupit ng baha sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rolly.

Imahe mula kay Mcperson Castro Merto via Facebook

“Na-recover ko katawan ng alaga kong si Lance! Kawawa naman. Nakakaawa . Sorry, Lance!” ang inilagay na caption ni Merto. Kuwento niya, umabot sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang baha.

“Nalubog po buong bahay namin hangang second floor at hindi siya mailabas sa bubong kasi hindi nagkasya sa bintana,” ani Merto. Nailigtas umano nila ang mga alagang aso at pusa at nailagay sa kanilang bubong subalit hindi niya mailabas sa kinalalagyan ang alagang si “Lance” dahil baka matakot umano ang mga makakakita.

Imahe mula kay Mcperson Castro Merto via Facebook

“Siya kasi hindi pwede ilabas dahil baka matakot ang mga nakisilong sa bubungan namin, may matanda at bata. Bawal ko ilabas kasi malakas na yan, baka makatakas at matakot pa ang mga tao at ma-stress pa sila lalo,” pahayag pa ni Merto.

Labis ang kanyang pagdadalamhati dahil anim na taon niyang inalagaan si “Lance” na bigay pa umano ng namayapa niyang kaibigan.

“Bigay lang po sa akin yang alaga ko. Two weeks old siya nang iregalo sa akin ng kaibigan. Mahalaga sakin yan kasi ang bait nang kaibigan ko na yun at wala na rin dito ang kaibigan ko, magkasama na sila.”


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: