‘A product of taking risks’: Ang kuwento sa likod ng Kanin Baga rice burgers

  • Unti-unting nagiging patok ngayon ang rice burger meals ng Kanin Baga
  • Ayon sa nasa likod ng konsepto ng rice burger na si Mary Epres Buban, produkto ito ng “self-discovery” at “taking risks”
  • Bagama’t batid na hindi ito karaniwang klase ng pagkain, tiwala si Mary na makatutulong ito lalo na sa mga laging “on the go”

Nakatikim ka na ba ng burger na sa halip na tinapay ay kanin ang ginagamit bilang “bun”?

Kamakailan ay unti-unting nagiging patok online ang rice burger meals ng Kanin Baga, na bukod sa lasa ay nakakuha din ng atensyon dahil sa kakaibang hitsura. Sa katunayan, maging ang Win Radio disc jockey na si DJ Lara Morena ay minsan na itong isinama sa Instagram stories niya. Ngunit saan nga ba nagsimula ang naiibang burger ng Kanin Baga?

Image captured from Instagram

Ayon sa nasa likod ng konsepto ng rice burger na si Mary Epres Buban, produkto ito ng “self-discovery” at “taking risks”. Sa gitna ng hamon ng pandemya, natuklasan daw ni Mary na mayroon siyang magagawa na bukod sa pagiging iba ay malaki rin ang maitutulong sa iba, lalo na sa mga taong laging “on the go” at kung minsan ay wala nang panahong kumain o kahit bumili man lang ng rice meal.

“Self-discovery at taking risks,” aniya. “Hindi ko akalain na mula sa pagiging simpleng bata na naglalaro lamang ng lutu-lutuan ay makakapagsimula ako ng food business sa gitna ng hamon na mayroon tayo ngayong may pandemya. Minsan kailangan mo lang talagang tapangan, magtiwala sa sarili, at sumubok kahit may pag-aalinlangan.”

‘A product of self-discovery, taking risks’

Nagsimula ang pagkahilig ni Mary sa pagluluto noong nag-aaral pa siya sa University of the Philippines-Diliman. Kuwento niya, naging bahagi ng kanyang kurso na Bachelor of Science in Home Economics and ilang practicum courses na may kinalaman sa entrepreneurship at food service management.

“Naranasan kong bumuo ng sariling konsepto at mamahala bilang general manager ng isang pasta food stall at isang Disney-themed restaurant sa dalawang magkaibang semestre. Pagkatapos nito, nabuksan ang isipan ko sa posilbilidad na maging isang ganap na entrepreneur balang araw,” pagbabahagi niya.

Image captured from Facebook

At noong 2019, matapos magbakasyon sa Japan kasama ang kanyang pamilya ay nakakuha siya ng sapat na inspirasyon upang magsimula ng Filipino-Japanese fusion style na food business.

“Nanatili lamang ang ideyang ito sa aking isipan, hanggang sa nagkaroon ng pandemya at kinailangan kong umalis sa una kong trabaho sapagkat malubhang naapektuhan ang aming kumpanya. Sa tulong ng aking pamilya, unti-unti kong binuo ng konsepto ng Kanin Baga, hanggang sa tuluyan itong naisagawa nang maayos,” kuwento niya.

Image captured from Facebook

“Kakaibang pagkain ito para sa ating mga Pilipino–ang pinagsamang kanin, na staple food natin at Japanese inspired burger patties at sauces. Sa ngayon, may tatlong Kanin Baga variants: ang Baka Baga (Beef Rice Burger), Hipon Katsu Baga (Shrimp Katsu Rice Burger), at Hipon Tempura Baga (Shrimp Tempura Baga),” pagpapatuloy ni Mary. “Bukod pa rito, may side dishes rin na Furaido Patatas (Seasoned French Fries) at Kani Ensalada (Crab Stick Vegetable Salad), at drink na Miruku Tsaa (Classic Boba Pearl Milk Tea).”

McRice: Ang naiibang ‘rice meal’ ng McDonalds noong 2006

At sa kabila na ang kawalan ng kasiguraduhan–kabilang na ang pagkakatuklas ng katotohanang minsan nang nagbenta ng rice burgers ang isang kilalang fast food restaurant ngunit agad din itong inalis sa menu–ay  naniniwala pa rin si Mary sa kanyang mga produkto.

“Sa karanasan ko bilang isang estudyante at empleyado noon, hindi talaga maiiwasan ang mga hectic schedule, kaya naman magandang ideya ang pagkakaroon ng isang pagkain na kumbaga ay complete meal na,” aniya. “Dito, may kanin ka na, may burger ka pa. “


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: