Sawa nang kumain ng kamote, 65-anyos na lola napilitang magtinda sa tabing kalsada matapos maubos ang ayuda

  • Napilitang magtinda sa gilid ng kalsada ang 65-anyos na lola mula Lanao del Norte
  • Naubos na kasi ang ayuda na ibinigay sa kanila ng lokal na pamahalaan at hindi rin makatulong ang kanilang mga anak dahil ang mga ito ay nawalan ng trabaho
  • Nakiusap ang lola sa mga awtoridad upang hayaan siyang magtinda sa tabing kalsada malapit sa kanilang bahay

Kabilang sa mahigpit na ipinagbabawal ngayong may COVID-19 pandemic ay ang paglabas sa bahay ng mga Pinoy na nasa edad 17 years old pababa, at mga senior citizen na 65 years old pataas. Ito ay upang maiwasan ang madaming tao sa labas at dahil madaling kapitan ng COVID-19 ang mga matatanda.

Imahe mula sa Philippine Information Agency (PIA)

Subalit paano kung sa edad na 65 ay nagtatrabaho pa rin kahit lola na para sa ikabubuhay ng kanyang pamilya?

Ito ang sitwasyon ngayon ng pamilya ni Zenaida Paglinawan mula Purok 2, Barangay Kawit ng bayan ng Kauswagan Lanao del Norte dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa ulat ng GMA News, napilitang magtinda sa tabing kalsada si Lola Zenaida para lang magkaroon ng pagkakakitaan ang kanyang pamilya. Nawalan kasi ng trabaho ang kanyang mga anak nang magkaroon ng pandemya.

Sabi ni Lola Zenaida, dahil ipinagbabawal na lumabas ng bahay ang mga tulad niyang nasa 65 taong gulang na, nakiusap siya sa mga awtoridad kung maaari siyang magtinda ng marang kahit sa tabing kalsada lang malapit sa kanilang bahay. Pinayagan naman siya basta’t mag-iingat at hindi masyadong lalapit sa mga mamimili.

Imahe mula kay Merlyn Manos via GMA Facebook page

Nagpapasalamat si Lola Zenaida dahil namunga ang kanilang puno ng marang na kanyang itinitinda. Dati umano siyang tindera ng isda at mga lamang-dagat na ibinibiyahe pa niya sa Iligan City Market, subalit nang magkaroon ng pandemya hindi na siya pinapayagang sumakay ng kahit anong uri ng pampublikong sasakyan.

Giit pa ng lola, nagsasawa na umano sila na kumain ng kamote kaya naman napilitan na siyang magtinda upang kumita ng pera. Nakakayanan pa umano nilang makakain nang maayos noong simula ng pandemya dahil sa mga ibinigay na ayuda ng lokal na pamahalaan, ngunit nang tumagal ay hindi na sila nakatanggap ng ayuda at panay kamote at lugaw na lang umano ang kanilang kinakain.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: