PNP ipagbabawal ang pagvi-videoke sa mga barangay habang oras ng klase

  • Tinitignan na ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad ng pagbabawal ng videoke kada barangay sa oras ng online classes ng mga estudyante
  • Sa kasalukuyan ay mayroon nang ordinansa ng pagbabawal ng videoke pagpatak ng 10 ng gabi
  • Bukod sa pagbabawal sa pagvi-videoke ay magiging mahigpit din ang PNP sa mga internet cafe at operators ng pisonet

Likas sa ating mga Pinoy ang pagkahilig sa pagkanta, kaya naman gustong-gusto ng marami sa ating ang pagkanta sa videoke—may okasyon man o wala. Ang mga videoke machines ay maaaring pag-aari na sa loob ng bahay o kaya naman ay nirerentahan pa sa mga may negosyo ng videoke.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

Sa umiiral na batas ngayon, ipinagbabawal ang paggamit o pagkanta sa videoke kapag sumapit na ang ika-10 ng gabi upang makaiwas na rin na makagambala sa mga kapitbahay at sa mga natutulog.

Subalit maaaring hindi na lang sa gabi ipagbawal ang videoke dahil lumabas ang balita kamakailan na tinitignan ng PNP ang posibilidad ng pagbabawal sa mga videoke sa umaga lalo na sa oras ng online class ng mga estudyante.

Nitong October 5 ay pormal nang inumpisahan ang modular at distance learning ng mga estudyante sa elementarya at high school. Samantala, may ilang unibersidad naman na nag-umpisa na ang klase noon pang nakaraang buwan.

Imahe mula PNA

Dahil hindi pinapayagan ang face-to-face learning, ang mga estudyante ay nag-aaral at nagkakaroon ng online class sa loob ng kanilang mga tahanan. Kaya upang hindi sila magambala ay maaaring ipatupad ng PNP ang pagbabawal sa mga videoke sa umaga.

Ayon kay PNP Chief General Camilo Pancratius Cascolan, kakausapin nila ang mga opisyal ng barangay upang gumawa sila ng resolusyon tungkol sa paglilimita ng paggamit ng videoke machines. Sa panukalang ito ay makikipagtulungan ang PNP sa mga local government unit at mga barangay.

Sabi naman ni PNP Deputy chief for Administration Lt. Gen. Guillermo Eleazar, mas maraming kapulisan ang magbabantay sa mga residential areas upang matiyak na walang ingay na magaganap.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

“Gawin natin lahat ito para magkaroon ng conducive situation ang ating mga kabataan na ngayon ay nag-aaral sa kani-kanilang tahanan,” ani Lt. Eleazar. Ang mga mahuhuling lalabag sa kautusan ay maaaring magbayad ng multang P2,000 o gumawa ng community service.

Bukod pa rito, mahigpit din na babantayan ng PNP ang mga internet cafe at mga operators ng pisonet upang matiyak na walang nagaganap na cyberbullying at napatutupad ang health safety protocols para sa mga gumagamit ng computer na kalimitan ay mga estudyante.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: