Ospital ng Sampaloc nakapagtala ng 100% COVID-19 recovery rate; alamin kung paano nila nagawa

  • Ayon sa huling datos, gumaling ang lahat ng health workers sa Ospital ng Sampaloc na tinamaan ng COVID-19
  • Pinuri ni Manila City Mayor Isko Moreno ang naging pangangasiwa ng Ospital ng Sampaloc sa kanilang mga frontliner na naapektuhan ng coronavirus
  • Striktong pagbabantay sa kalusugan at pananagutan bawat isa ang naging susi ng kanilang paggaling

Bilang mga pangunahing manggagawa na nagbibigay serbisyo upang gumaling ang mga Pinoy na tinamaan ng COVID-19, tinataya ng medical frontliners ang kanilang buhay upang tulungan at maisalba ang kapwa laban sa coronavirus. Kaya marami sa kanila ang dinapuan din ng virus habang naglilingkod.

Imahe mula kay Steven Mari Cadiz via Facebook

Sa mahigit 344,000 na mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 ngayon dito sa Pilipinas, malaking porsyento ng kabuuan nito ay mga medical frontliners at health workers. Marami rin sa kanila ang hindi nakaligtas mula sa lupit ng coronavirus.

Gayunpaman, marami pa ring frontliners ang itinataya ang kanilang buhay para lamang mapagaling ang mga pasyente at tuluyan nang mapuksa ang COVID-19 sa bansa.

Kaya maituturing na napakagandang balita ang inihayag ng Manila Public Information Office (MPIO) kamakailan na mayroong 100% COVID-19 recovery rate ang Ospital ng Sampaloc (OSSAM) sa Maynila.

Ayon sa huling datos mula sa Manila Health Department at Infection Prevention and Control Committee (IPCC), ang lahat ng health workers at medical frontliners sa OSSAM na tinamaan ng COVID-19 ay gumaling.

Imahe mula sa MPIO via Facebook

Sa kanyang Facebook page ay pinasalamatan ni Mayor Isko Moreno si Dr. Aileen Lacsamana, Ospital ng Sampaloc director, at kanyang mga kawani dahil sa kanilang dedikasyon sa trabaho. Pinasalamatan naman ni Dr. Lacsamana ang city government dahil sa pagbibigay ng mga gamot at medical equipment na labis umanong nakatulong para sa kanilang COVID-19 response.

Ayon kay IPCC Head Dr. Manuel Sotello III, ang mabilis at 100% na paggaling mga mga health workers sa OSSAM ay dahil sa kanilang pakikiramay at kagustuhang gumaling ang isa’t isa. “Istriktong pagbabantay sa kanilang kalusugan at pananagutan ng bawat kawani sa isa’t isa ang naging susi upang makamit ito ng Ospital ng Sampaloc,” ani Dr. Sotello III.

Sinabi naman ni Mayor Isko na maganda mang balita ito ay hindi pa rin umano sila magiging kampante. “Lalo lamang po nating palalakasin ang paglaban sa banta ng COVID-19 sa buong lungsod. May awa ang Diyos, makakaraos din po tayo,” ani Manila City Mayor.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: