Isang PWD na tatay, hindi makabili ng bisikleta kaya ginawaan ng improvised bike ang anak

  • Maraming netizens ngayon ang humahanga sa isang PWD na tatay at sa kanyang naging paraan upang mapagbigyan ang kahilingan ng anak
  • Ang 3-anyos na anak kasi ng tatay ay humihiling na magkaroon ng bisikleta subalit walang pambili ang kanyang ama
  • Kaya naman gamit ang mga tambak na kahoy ay gumawa ang ama ng improvised bike upang matupad ang hiling ng anak

Marami na tayong nabasa at napanood na mga kuwento tungkol sa mga Pinoy na gumawa ng sarili nilang bisikleta gamit lamang ang mga hindi na nagagamit na mga materyales. Subalit kakaibang kuwento ang nag-viral kamakailan dahil hindi lang ito nagpapakita ng pagiging maabilidad ng mga Pinoy kundi nagpapakita rin ito kung gaano kamahal ng isang ama ang kanyang anak.

Imahe mula kay Anton Mendoza Jr. via Facebook

Maraming mga news sites at social media pages ang nagbahagi ng kuwento ni Tatay Anton Mendoza Jr. mula sa Brgy. Adia, Santa Maria, Laguna at ang kaniyang tatlong taong gulang na anak na si Anjo.

Ibinahagi ni Tatay Anton sa kaniyang Facebook account ang larawan ng kanyang anak na nakasakay sa gawa-gawa lamang na bisikleta. Nilagyan ito ni Tatay Anton ng caption na: ‘Di makabili ng bike ang bata, gawa na lang muna si Tatay. Kahoy muna bike mo, masaya ka na.”

Matagal na umanong nagpapabili si Anjo sa kanyang tatay ng bisikleta, subalit dahil sa kawalan ng pera, naisip na lamang ni Tatay Anton na gumawa na lamang siya ng paraan sa pamamagitan ng paggawa ng improvised bike gamit ang mga nakatambak na kahoy.

Imahe mula kay Anton Mendoza Jr. via Facebook

“Lahat po ng magulang nag na-nais ng maganda para sa mga anak kaya kahit ho simpleng bagay… ginagawan na lang po natin ng paraan.” Kuwento ni Tatay Anton, tinulungan din siya ng kanyang anak sa paggawa ng bike.

Tatlong taon na ang nakalipas ay nadawit umano sa isang aksidente si Tatay Anton kaya hindi na siya makalakad ng maayos. Ang kanyang asawa na ang nagtatarabaho ngayon bilang kasambahay sa Makati.

Imahe mula kay Anton Mendoza Jr. via Facebook

Ani pa ng tatay, naisipan niya umanong ibahagi sa social media ang ginawa niyang bike para sa anak kahit paano ay makapagbigay ng inspirasyon at ipakita na hindi hadlang ang kahirapan para makapagpasaya ng anak.

Maraming netizen ang naantig sa kuwento ng mag-ama at mayroon nang mga nagsabi na nais tumulong nilang at magbigay ng donasyon.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: