Mga tindahan ng tela sa Divisoria, nilusob dahil sa reklamo ng Louis Vuitton sa mga ibinibentang LV face masks

  • Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang mga tindahan ng mga tela sa Divisoria  matapos makatanggap ng reklamo sa Louis Vuitton
  • Nakita ng mga awtoridad ang mga ibinebentang tela na mayroong imprenta ng logo ng Louis Vuitton na ginagamit sa paggawa ng face masks
  • Kakasuhan ng Louis Vuitton ang mga nadiskubreng nagtitinda ng mga tela na may tatak ng kanilang logo  dahil sa  trademark infringement

Sang-ayon man tayo o hindi, maraming mga peke ang itinitinda at tinatangkilik ng maraming Pinoy. Bukod kasi sa nauuso at mura ang halaga, ay magmumukhang yayamanin pa ang sino mang nagsusuot ng pekeng sapatos, damit, accessories, bags, at marami pang iba.

Imahe mula ABS-CBN News via Facebook

Marami mang nagtitinda at bumibili, hindi naman ibig sabihin na tama ang ginagawang ito lalo na sa batas. Kaya naman hindi nakaligtas ang mga tindahan ng tela sa Divisoria sa reklamo ng isang luxury brand dahil sa paggamit nila ng logo nito na walang pahintulot.

Kamakailan ay sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang tindahan ng tela sa Divisoria kung saan naglipana ang maraming nagbebenta ng mga pekeng gamit.

Inireklamo ng French luxury brand na Louis Vuitton (LV) ang mga ibinibentang tela sa ilang tindahan sa Divisoria dahil sa paggamit nila ng logo ng LV na nakaimprenta sa mga tela.

Imahe mula ABS-CBN News via Facebook

“Pumunta rito ‘yung representative ng LV na based sa Hong Kong. Nagrereklamo sila na ‘yung logo nila ginagamit sa paggawa ng face mask kasi ito ang naging trend,” ani Glenn Ricarte, hepe ng NBI-IPR.

Pinasok ng NBI Intellectual Property Rights (IPR) Division ang mga establisimyento at doon natuklasan ang mga telang may imprenta ng tanyag na LV monogram at logo.  Ang mga ito ay ibinebenta kada kilo sa halagang P150. Kalimitan sa mga bumibili ay mga mananahi na ginagamit ang LV na tela bilang face mask.

Imahe mula ABS-CBN News via Facebook

Ayon sa isang nahuling tindera, mabenta raw umano ang LV na tela na ginagawang face mask at ibinebenta sa halagang P20. “Mabenta siya nu’ng umpisa. Siyempre gusto rin namin kumita, ginaya namin,” ani ng tindera.

Nilinaw naman ng LV, ayon sa NBI, na wala silang ibinebentang face mask sa Pilipinas. Ang mga may-ari ng nahuling stall na nagbebenta ng LV na tela ay kakasuhan ng trademark infringement.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: