Mag-ama matiyagang naglalakad sa putikan buhat-buhat ang kaanak upang madala sa ospital

  • Sa Antique ay mayroong mag-ama na kinakarga ang kanilang ‘ilaw ng tahanan’ gamit ang isang ginawang duyan para lamang madala ito sa ospital
  • Kasalukuyang sumasailalim sa dialysis ang ina kaya naman matiyaga siyang binubuhat ng asawa at anak kahit ilang oras pa ang inaabot ng kanilang paglalakad
  • Upang matulungan ang pamilya, libre ang pagpapagamot sa ina at bibigyan naman ng scholarship ang apat na anak

Itinampok sa kilalang programang Kapuso Mo, Jessica Soho ang tungkol sa nakahahabag na kuwento ng isang pamilya mula sa Hamtic, Antique. Dahil mayroong malubhang karamdaman ang ina na si Arlene, ang kaniyang asawa at panganay na anak ang tumutulong sa kaniya upang madala sa ospital.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Gamit ang tila duyan na gawa sa kumot at saka itinali sa kawayan, dito sumasakay si Arlene at saka naman ito binubuhat ng asawang si Sonny at panganay na anak na lalaki na si Karl Loyze. Hindi na makalakad si Arlene dahil sa iniindang karamdaman sa kidney.

Tinawag na “tuwang-tuwang,” ito ay buhat-buhat ng mag-amang sina Sonny at Karl Loyze habang nakaupo o nakahiga si Arlene at saka nila tinatahak ang daan patungo sa highway. Ayon sa mag-ama, malayo ang kanilang bahay sa mismong highway at ang tuwang-tuwang ang nakikita nilang madaling paraan upang madala si Arlene sa ospital at umabot sa schedule ng kaniyang dialysis.

Ngunit bago makarating sa ospital, kailangan munang dumaan ng pamilya sa maputik, matinik, at madulas na daan. Dahan-dahan ang paglalakad ng mag-ama mula kakahuyan at sapa. Habang mahigpit naman na nakahawak si Arlene sa kawayan. Inaabot sila ng mahigit isang oras papunta lamang sa highway. Pagkarating doon ay sasakay sila ng tricycle papuntang ospital na may layong 17 kilometro.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Malubha man ang karamdaman ni Arlene, hindi naman siya sumusuko kahit apat na taon na siyang nagda-dialysis dahil na rin sa ipinapakitang tiyaga ng kaniyang pamilya. Ayaw din niya umanong iwanan ang apat na anak.

Mahirap man para sa mag-amang sina Sonny at Karl lalo na kapag inaabutan sila ng dilim sa daan at tanging ilaw lang mula sa cellphone ang nagiging liwanag, hindi pa rin umano sila mapapagod na dalhin si Arlene sa ospital.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Consistent honor student ang panganay na si Karl at nais niya umanong makapagtapos sa pag-aaral upang maiahon sa hirap ang kaniyang pamilya. Responsibilidad rin niya umano na pag-aralin ang iba pang kapatid.

Tiniyak naman ng local government ng Antique na magiging libre ang dialysis ni Arlene at nagbigay din sila ng scholarship sa apat niyang mga anak.

Panoorin ang buong kuwento dito:


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: