Lolo na nawalan ng minamahal na alagang aso, lagi nang tumutulong sa stray animals

  • Isang lolo mula sa Mandaue City ang nangangalaga sa mga galang hayop sa lugar sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanila
  • Ngayong taon ay nawala ang alagang aso ng lolo kaya naman naging dedikasyon na niya ang pangangalaga sa mga galang pusa
  • Humihingi ngayon ng tulong ang lolo upang mapagpatuloy niya ang pangangalaga sa mga hayop at nais din niya dalhin ang mga ito sa animal clinic

Kapag nagmahal tayo, pati ang mga nasa paligid nito ay minamahal na rin natin. Ngunit may pagkakataon na naglalaho ang ating mga minamahal dahil sa hindi inaasahang pangyayari, ngunit hindi ibig sabihin nito ay titigil na rin tayong magmahal.

Imahe mula Saving Strays Cebu via Facebook

Ganito ang naging pakiramdam ni Lolo Sover mula Mandaue City sa Cebu matapos mawala ang kaniyang minamahal na alagang aso na si Doggie matapos itong paluin ng matigas na bagay sa ulo.

Masakit man ang pangyayaring ito kay Lolo Sover, hindi naman siya tumigil sa pagtulong at pangangalaga lalo na sa mga galang hayop. Namataan si Lolo Sover na nagpapakain ng mga galang pusa sa Mandaue ng Saving Strays Cebu, isang organisasyon sa Cebu na tumutulong at nangangalaga rin sa mga galang hayop sa rehiyon.

Ayon sa Saving Strays Cebu, nakita nila si Lolo Sover na nagpapakain sa mga galang pusa na nasa pampublikong pamilihan. Kahit nasa gitna ng pandemya, mula 7 AM hanggang 4 PM ay pinapakain ng lolo ang mga galang pusa upang hindi umano magutom ang mga ito.

Imahe mula Saving Strays Cebu via Facebook

Matapos mawala ni Doggie, naging dedikasyon na umano ni Lolo Sover ang pagtulong lalo na sa mga galang pusa. Ngunit dahil na rin sa pandemya ay nahihirapan na siyang pakainin ang mga ito. Kaya naman nanghingi na ng tulong si Lolo Sover upang mapagpatuloy niya ang pagpapakain sa mga galang pusa.

“Tatay Sover sent us a text msg asking for help because one of the cats is badly suffering from a skin disease. We gave a little cash and cat food. Please if you can also donate,” ang panawagan ng Saving Strays Cebu sa kanilang Facebook post.

Imahe mula Saving Strays Cebu via Facebook

Bukod sa pagpapakain ay nais din umanong dalhin ng lolo ang mga may karamdamang pusa sa animal clinic. Dahil sa panawagan sa social media ay dinagsa ng tulong at donasyon si Lolo Sover sa pangunguna na rin ng Saving Strays Cebu.

Bukod sa mga ito, humingi rin ang organisasyon ng donasyon para naman sa kalusugan ni Lolo Sover. Sa mga nais pang tumulong kay Lolo at sa mga galang hayop, i-click lamang ang link na ito.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: