Kuha muna ng sayote bago baba: Free sayote sa jeep ikinatuwa ng netizens

  • Ipinamimigay na lamang ng isang jeepney driver sa Baguio City ang mga tanim na sayote ng kaniyang pamilya
  • Bukod sa pamamahagi sa kapitbahay, inilagay ng jeepney driver ang isang supot ng sayote sa kaniyang jeepney upang doon na lang kumuha ang mga pasahero
  • Ikinatuwa naman ng netizens ang pagiging mapagbigay ng jeepney driver lalo na sa panahon ngayon

Hindi akin, hindi sa ‘yo, hindi kay kuya… sayote! Ganito ang karaniwang biro na maririnig nating mga Pinoy tungkol sa gulay na sayote o chayote sa Ingles.

Dito sa bansa, kalimitang makakakita ng maraming tanim na sayote sa matataas na lugar tulad sa Benguet at ilang bahagi ng Cordillera Administrative Region.

Imahe mula Freshdeals

Manamis-namis at malambot ang sayote na karaniwang inilalagay bilang sangkap sa mga kilalang Pinoy ulam tulad ng tinola o kaya ay ginisang sayote. Gamit lamang ang mga simpleng sangkap ay maaari nang makaluto ng masarap na putahe gamit ang sayote.

Kaya naman labis ang paghanga ng mga netizens sa isang jeepney driver mula Baguio City na namimigay na lamang ng sayote sa kaniyang mga pasahero – nang libre! Ang halos isang sako ng mga sayote ay inilagay niya sa loob ng jeepney upang dito libreng kumuha ang kaniyang mga pasahero.

Kuwento ng jeepney driver na si Ren-ren Jazarino, ang mga ipinamimigay niyang sayote ay pananim ng kaniyang mga magulang na nagbakasyon at na-lockdown sa Baguio. At dahil umuwi na ang kaniyang mga magulang sa Tarlac ay wala nang kukuha ng mga bunga ng itinanim na sayote.

Imahe mula kay Jazee Jaz via Facebook

Sa halip na masira at masayang ang mga sayote, naisip na lamang na ipamigay ito ni Ren-ren upang kahit papaano ay makatulong sa kapwa sa gitna ng pandemya.

Bukod sa masarap na lutong ulam, nagtataglay din ang sayote ng mga benepisyo para sa ating katawan at kalusugan. Bukod sa fresh na maituturing ang mga ipinamigay na sayote ni Ren-ren ay nagtataglay din ang mga sayote ng mataas na water content na mainam sa katawan.

Ilan sa mga benepisyo na makukuha sa sayote ay pampabawas ng timbang, nagpapababa ng cholesterol, pampalakas ng stamina, pag-iwas sa konstipasyon, at marami pang iba.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: