Kara David, ipinagmalaki ang mga paintings na gawa ng isang scholar ng Project Malasakit

  • Kamakailan ay ipinagdiwang ng journalist na si Kara David ang kaniyang ika-47 na kaarawan
  • Isa sa kaniyang mga natanggap na regalo na labis niyang ikinatuwa ay ang paintings na gawa mismo ng isang scholar sa kaniyang programang Project Malasakit
  • Sa kaniyang pagdiriwang ng kaarawan ay namahagi si Kara ng donasyon sa ilang malalayong paaralan

Halos magpipitong buwan na ang community quarantine sa buong Pilipinas. Bukod sa hindi pa rin iminumungkahi ang paglabas ng bahay kung wala namang importanteng lakad o gagawin, kinakailangan din na nakasuot palagi ng face mask at face shield sa pampublikong lugar.

Imahe mula kay Kara David via Instagram

Maraming malalayong lugar na kalimitang dinaragsa ng mga turista ang hindi pa rin bukas at maaaring pasyalan, kaya naman marami sa mga Pinoy na nagdiwang ng kanilang “quarantine birthday” ang sa loob na lamang ng bahay nagsagawa ng selebrasyon.

Subalit espesyal naman ang katatapos lang na ika-47 na kaarawan ng beteranong journalist na si Kara David. Ang kaniyang naging selebrasyon ay ibinahagi niya sa Instagram account.

Una ay kaniyang ipinagmalaki ang mga nakabibilib na paintings na iniregalo sa kaniyang ng isa sa mga naging scholars ng kaniyang programang Project Malasakit. Labis na natuwa si Kara sa ibinigay sa kaniya ng tinawag niyang “gifted artist” na si Christelle Arroyo.

Kabilang si Christelle sa mga napagtapos ni Kara sa kolehiyo bilang scholar sa proyektong nabanggit.

Imahe mula kay Kara David via Instagram

Happiness is when you see your scholars succeed and thrive in their God-given talents. Got these today from our Project Malasakit scholar Christelle Arroyo who is a gifted artist. Ang inyong tagumpay ang pinakamasayang regalo ng aking buhay,” ani Kara sa kaniyang IG post. Inilunsad ni Kara ang Project Malasakit scholarship foundation noong 2002, at simula noon ay marami na itong natulungang estudyante.

Bukod sa natanggap ni Kara na regalo, nag-“flex” din siya ng naging handa sa kaarawan: inihaw na bangus na may alagao at ginataang sitaw kalabasa na siya mismo ang nag-ihaw at nagluto.

Imahe mula kay Kara David via Instagram

At isa sa pinakapinaghandaan niya sa kaniyang kaarawan ang taon-taon na birthday outreach na kaniyang inilulunsad. Sa taong ito ay nagbigay siya ng mga donasyon tulad ng ng bond paper, printer, printer ink sa mga guro sa mga malalayong eskwelahan sa Mindoro, Pampanga, Romblon, Bolinao, Quezon, at Sierra Madre.

“Salamat sa lahat ng tumulong sa proyektong ito. Ang inyong malasakit ang pinakamagandang bday gift. God bless you” ani Kara sa isang IG post.

Sa dami ng kaniyang natutulungan ay tiyak na mas dadami pa ang biyayang matatanggap ni Kara.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: