Isang teacher nagbibigay ng libreng online English class sa mga estudyante

  • Sa kaniyang libreng oras, nagsasagawa ang isang ESL teacher ng libreng English class sa mga estudyante gamit ang isang video conference app
  • Naisipan ng guro na mag-alok ng libreng klase sa mga estudyante na maaaring mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang kahit papano ay matulungan silang matuto
  • Sa ngayon ay naghahanap pa ang guro ng ilan pang volunteer teachers na nais din ilaan ang kanilang oras sa pagsasagawa ng online classes

Sa kinahaharap nating pandemya ngayong panahon, marami sa ating mga Pinoy ang pinalalaganap ang bayanihan at pagtutulungan upang kahit sa hirap ng buhay ay masasandalan natin ang isa’t isa.

Imahe mula kay Cristy Caballero via Facebook

Isa si Teacher Cristy Caballero, ESL teacher, sa mga nakararamdam ng pangangailangan ng estudyante na magkaroon ng sapat na edukasyon sa gitna ng pandemya. Kaya naman kada tapos ng kaniyang trabaho ay naglalaan siya ng oras upang makapagturo ng online English class—at ito ay libre lamang sa kahit kaninong estudyante sa alin mang panig ng bansa.

Kuwento ni Teacher Cristy na mula sa Project 4, Quezon City, naisipan niyang magsagawa ng libreng online English class matapos niyang makita ang post ng dati niyang katrabaho na nag-aalok din ng libreng klase. At bilang ESL teacher ay naisipan din niyang magbigay ng libreng online classes.

“Gusto ko kahit papaano makatulong sa mga bata at mga magulang upang manatiling ligtas sila sa kanilang mga tahanan,” ani Teacher Cristy. Kuwento pa niya, mga batang nasa edad anim hanggang 12 ang nakikilahok sa kaniyang online English classes at mayroon din namang edad apat hanggang lima.

Imahe mula kay Cristy Caballero via Facebook

Ang mga klase ay ginaganap kada Sabado via Zoom at nagtatagal ng 25 minutes. Magkakasama sa isang klase ang magkaka-edad o antas ng grado.

“Nakatutuwa dahil umabot na rin itong klase ko sa Bicol, Ozamiz, Bulacan, Pampanga, Laguna, at marami pang iba,” ani teacher.

Sa mga nais makilahok sa kaniyang libreng online English class, ang mga magulang ay mag-iiwan lamang ng mensahe sa Facebook account ni Teacher Cristy. Kahit sinong estudyante mula sa panig ng bansa ay maaaring makilahok.

Imahe mula kay Cristy Caballero via Facebook

“Sa ngayon, nagtatanong na rin ako sa ibang ESL Teachers kung sino ang gustong mag-volunteer sa pagtuturo sa mga bata during their free time dahil dumadami na rin ang mga estudyante na nais lumahok sa online classes,” dagdag pa ni Teacher Cristy.

Mensahe naman niya sa mga estudyante: “Mas pagbutihan n’yo pa ang pag-aaral at mas bigyan ng tuon ang inyong kalusugan. Manatili kayong matatag dahil matatapos din ang pandemyang ito. ‘Wag kayong susuko.”

Mabuhay ka, Teacher Cristy!


Loading...
Source :

Facebook

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: