Talaba/oyster pizza, patok ngayon sa isang bayan sa Iloilo

Imahe mula ABS-CBN News
  • Sa isang bayan sa Iloilo City, naisipang gumawa ng kakaibang putahe ang isang residente habang nasa ilalim ng community quarantine
  • Naisipan ng residenteng ito na gawing flavor ng pizza ang talaba na marami at sagana sa kanilang lugar
  • Pumatok ang talaba pizza sa lugar at ngayon ay nakatatanggap na sila ng mahigit 200 orders kada araw

Ano ang paborito mong flavor o toppings ng pizza? Eh ang talaba naman, gusto mo rin bang kinakain?

Magkalayo mang uri ng pagkain ang pizza at talaba ay pinagsama naman ito ng isang residente sa Iloilo City na naging patok ngayong mayroong community quarantine.

Imahe mula Freepik

Sa ulat ng ABS-CBN News, naisip umano ni Benjielyn Pan mula Dumangas Iloilo ang isang kakaibang konsepto ng pizza ⁠— at ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng sangkap na talaba.

“Noong nag-lockdown, nakita ko ang mga taga-rito sa coastal Dumangas na maraming talaba kaso walang mapagbentahan dahil sarado naman ang mga restaurant. Walang customer, walang biyahe ang RoRo, at isa talaga sa mga paborito ko ang talaba,” ani Benjielyn  na nakagawa ng “Talaba pizza.”

Kuwento pa ni Benjielyn, ipinagdasal niya na sana ay pumatok ang kaniyang talaba pizza at makatulong na rin ito sa kabuhayan ng kaniyang mga kababayan.

Imahe mula PAN’s Talaba Oyster via Facebook page

At dininig nga ng Maykapal ang panalangin na ito ni Benjielyn dahil binalik-balikan ng mga customer ang kaniyang talaba pizza. Bukod sa talaba, ang bidang mga sangkap nito ay butter, cheese, bell peppers, garlic at iba pang secret ingredients.

“Napakasarap. Ang tinapay niya malambot, sweet, may cheese at talaba. First time kong makatikim ng ganito,” ani ng isang customer na nakatikim nito. “First time kong narinig ang pizza talaba kaya naengganyo ako,” dagdag naman ng isa.

Imahe mula PAN’s Talaba Oyster via Facebook page

Sa dami ng kanilang customer ay halos nasa mahigit  200 orders ang natatanggap ni Benjielyn kada araw. Malaki ang pasasalamat niya dahil ang pagbebenta ng talaba pizza ang nakapagpataguyod ng kaniyang pamilya sa gitna ng pandemya.

Bukod sa natulungan ang kaniyang pamilya, nakapagbigay din si Benjielyn ng trabaho sa mga kapitbahay.

“In times of emergency, sana hindi lang tayo mabuhay para sa ating needs, kundi sana bigyan din tayo ng chance ng Panginoon na mag-enjoy,” aniya.

Ngayon ay mayroon nang branch ang kaniyang Pan’s Talaba/Oyster Pizza sa Passi, Guimaras at Calinog sa Iloilo din.