Mga estudyante sa Catanduanes, nag-camp out sa burol upang makahanap ng signal para sa online class

  • Upang makalahok sa kanilang online class, isang grupo ng mga college students mula sa Catanduanes ang nagmistulang nag-camping sa taas ng isang burol
  • Sa lugar kasi na ito ay malakas ang Internet signal para sa kanilang online class
  • Ang mga estudyante ay sumisilong lamang sa gawa-gawang tent habang nakasuot ng face masks

Mula August 24 ay nausog muli ang pagbubukas ng klase para sa school year 2020-2021 sa October 5, ayon na rin sa napagkasunduan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Department of Education.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Nausog man ang klase ay maaari nang mag-umpisa ang pasukan ng mga pribadong paaralan at unibersidad nang mas maaga. Kaya naman sa huling linggo ng Agosto ay mayroon nang mga paaralan at unibersidad na inumpisahan na ang modular distance learning.

Isa sa mga unibersidad na nag-umpisa na ang klase ay ang Catanduanes State University sa Virac, Catanduanes. Ngunit ang sana’y umpisa ng pagkatuto ay nagmistulang pasakit sa mga estudyante na kinakailangan pang umakyat ng burol para lang makalahok sa kanilang online class.

Sa ulat ng programang “24 Oras,” isang grupo ng magkakaklase mula sa Catanduanes State University ang matiyagang umaakyat ng burol kung saan malakas ang Internet signal. Nasa 15 minuto ang nilalakad ng mga estudyante at dito sila nagka-camp out habang lumalahok sa kanilang online class.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Mataas at malubak ang daan papunta doon ngunit inaakyat pa rin ito ng mga estudyante dahil dito malakas ang signal ng kanilang cellphone. Habang nasa tila tent na gawa lamang sa plastic tarp, mga kahoy, at plastic straw, naglatag ng tela ang magkakaklase at saka naupo dito.

Upang makasunod pa rin sa health protocols sa gitna COVID-19 pandemic ay nakasuot pa rin ng face mask ang mga estudyante. At upang hindi sila magsisiksikan sa tent ay pumuwesto na lang sa silong ng puno ang ibang estudyante.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Ayon sa guro ng mga estudyante, blended learning approach ang ginagamit sa kanilang paaralan, kaya naman bukod sa printed learning modules ay kailangan din nilang dumalo sa online classes na kalimitang isang buong araw ang itinatagal.

Tunay nga namang walang mahinang Internet signal ang makapipigil sa mga estudyante upang hindi matuto. Basta’t mayroong tiyaga at kagustuhan na matuto ay gagawa at gagawa tayo ng paraan upang ipagpatuloy pa rin ang edukasyon.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: