
- Naging bahagi ng bu
hay ng maraming Pilipino ang classic condensed milk na Milkmaid - Sa post sa isang Facebook group, nagbalik-tanaw ang maraming miyembro ang mga gunitang nabuo dahil sa gatas na ito
- Hindi lang daw ito isang paboritong inumin, kung hindi masarap na palaman din
Sino nga ba ang makalilimot sa classic condensed milk na Milkmaid? Sa loob ng maraming taon, sakop ang iba’t ibang henerasyon, ay hindi maikakaila na naging malaking bahagi na ng buhay ng maraming Pilipino ang brand na ito.

Sa isang post sa Facebook group na Memories of Old Manila & Beyond, nagbalik-tanaw ang maraming miyembro sa mga gunitang nabuo dahil sa gatas na ito. Anila, hindi lang daw ito isang paboritong inumin, kundi masarap na palaman din.
“Inabot mo ba ang gatas na ito? Masarap sa pandesal, ihinahalo sa kape, minsan naman ay inilalagay sa mainit na kanin. Paborito ito ng lola ninyo,” saad ng group member na si Wendel Bernardo sa caption ng litratong kanyang ini-upload, isang post na naging kanlungan ng mga alaalang ibinahagi ng mga tumangkilik sa nasabing produkto.
“Lagi akong napapagalitan ng nanay ko kasi ‘yan ang gatas ng bunso namin,” pagbabalik-tanaw ni Rubynia Adriano Punzal. “Kapag ako ang nagtitimpla ng dede ng kapatid ko, sinisipsip ko muna bago ko timplahan kasi masarap. Nagagalit ang nanay ko kasi nagtataka bakit ang bilis maubos.
“Ang pinakamasarap na condesed milk,” kumento ni Wilma Montemayor. “Bata pa ako, iyan ang brand namin.”
Kuwento naman ng social media user na si Tita Nene, “Kapag hindi ko gusto ang ulam, kumukuha ako niyan nang palihim kasi wala kaming ref noon at nakatungtong lang iyang bukas na gatas sa mangkok na may tubig.”
Bagama’t iba na ang hitsura ng lalagyan, nananatili pa ring bahagi ng buhay ng mga Pilipino ang classic condensed milk na ito.
