
- Patuloy na nagbibigay ng COVID-19 update ang Pasig City local government upang mapabuti ang kanilang health care system dahil sa dumaraming kaso ng coronavirus
- Isa sa pinakabagong program ng tanggapan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ay ang pagsasagawa ng libreng COVID-19 resting sa mga nasasakupan
- Magbibigay ng 300 slots ang tanggapan para sa mga mauunang magpa-reserve upang sumailalim sa test
Sa gitna ng dumaraming kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay ang mga katulad ng tanggapan ni Pasig City Mayor Vico Sotto na walang-sawang nagbibigay ng update at naghahanap ng paraan upang mapabuti ang kalagayan ng mga nasasakupan.

Gamit ang social media, patuloy na tinitiyak ng Pasig City local government na nabibigyan ng tamang kaalaman ang kanilang mga residente tungkol sa COVID-19.
Bukod sa tamang kaalaman ay nagpapatupad rin ng mga tama at mabisang programa ang LGU upang masugpo ang COVID-19.
Nito lamang Agosto ay nagsimula silang magkaroon ng Molecular Diagnostic Laboratory. Binisita ni Mayor Vico ang mga nasa Centralized Quarantine Facility, at nagpatupad sila ng mga programa upang mapabuti ang kanilang health care system.

Isa sa mga programang kanilang isinulong ay ang pagbibigay ng libreng COVID-19 testing sa mga residente ng Pasig upang matiyak kung sino-sino ang positibo sa coronavirus.
Sa Vico Sotto Facebook page ay inanunsyo ang FREE COVID-19 testing na tatanggap ng 300 slots via reservation. “Bago pumunta, TUMAWAG MUNA at mag-reserve ng slot sa Testing Hotlines: 0928-2911716 o 0928-2911717,” ang paalala.
Nagbabala naman ang tanggapan ni Mayor Vico na kung dinagsa sa unang araw ang free COVID-19 testing ng mga walang reservation at mawalan ng social distancing ay baka makansela ang proyekto.

Samantalang kung maayos naman ang pagpapatupad ng free testing at sumunod ang lahat sa mga hinihiling ng tanggapan ay ipagpapatuloy nila ang pagte-test araw-araw.
Pinaalalahanan din ng tanggapan na ang free testing na ito ay iba pa sa testing ng close contacts at may sintomas ng COVID-19.
“We continue to work hard to improve our healthcare system’s capacity. (Last week lang nagdagdag tayo ng 200 contact tracer, increased beds in centralized qua facility, hired more health staff),” ang pagbibigay ng update ng tanggapan ni Mayor Vico. Kudos sa inyong LGU!