Supermarket sa Pasig City, pansamantalang tigil operasyon dahil sa hindi maayos na pagpapatupad ng social distancing

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto via Facebook
  • Pansamantalang tigil operasyon ang grocery ng Landers Superstore sa Brgy. Ugong, Pasig City
  • Ito ay dahil sa nakitang hindi maayos na pagpapatupad ng “social distancing” sa loob ng grocery store
  • Ito ay inanunsyo ni Mayor Vico Sotto sa kanyang Facebook page

Ang Pasig City ang isa sa mga umarangkadang lungsod sa Kalakhang Maynila nitong panahon ng pandemya.

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto via Facebook

Mapapansin na ang lungsod ay madalas laman ng mga positibong balita dahil sa mabilis, epektibo at makabagong mga hakbang at panuntunang panglokal na ipinatutupad ng kanilang Local Government Unit (LGU).

Kung kaya naman ay mayroong mataas na pagpupuri ang marami nating kababayan sa alkalde ng Pasig na si Mayor Vico Sotto.

Mula nang magsimula na mailagay ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine hanggang sa unti-unti itong mapabilang sa General Community Quarantine, patuloy ang pamunuan ni Mayor Vico sa pagpapatupad ng istriktong implementasyon ng mga panuntunan upang mapigilan ang paglaganap ng sakit na COVID-19.

Kung kaya naman hindi nakaligtas sa lokal na pamahalaan ang isang supermarket sa Brgy. Ugong, Pasig City kung saan ay nautusan itong pansamantala na magsara.

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto via Facebook

Ang aksyon na ito ng LGU ay alinsunod sa nakitang hindi maayos na pagpapatupad ng “social distancing” sa loob ng pamilihan.

Makikita sa mga larawang ipinost ng alkalde na ang ilan sa mga taong namimili ay magkakalapit sa isa’t-isa.

Ang nasabing pamilihan ay ang Landers Superstore.

Nilinaw ni Mayor Vico sa kanyang post na ang grocery store lamang ang apektado habang ang restaurant, plant shop, barbershop at parking lot ay tuloy ang operasyon.

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto via Facebook

Ayon kay Mayor Vico, hindi nila karaniwan na binabanggit ang partikular na establisyamento sa mga ganitong sitwasyon upang maiwasan ang bad publicity subalit dahil sa kilala at malaki ang pamilihang ito at malalaman din ng publiko kung kaya minabuti na nila itong ianunsyo.

Makikita rin sa kanyang post na ang pamunuan ng nasabing supermarket ay naghayag na ng karampatang aksyon upang maipatupad nila ang mga panuntunan nang maayos.