Para maibsan ang pangungulila, mister laging dala ang abo ng namayapang misis dahil sa COVID-19

  • Tampok sa programang Juan Love: Pag-ibig sa Panahon ng Pandemya ng GMA Network ang kuwento ng mag-asawang OFW na nasubok ang pag-iibigan dahil sa COVID-19
  • Hindi inaasahang minalas ang misis ni Lorenzo dahil sa coronavirus at ang abo nito ay inilagay sa isang lalagyan
  • Kahit saan magpunta ang mister ay lagi niyang dala ang abo ng asawa upang maibsan na rin ang kaniyang pangungulila

Tampok sa programang Juan Love: Pag-ibig sa Panahon ng Pandemya ng GMA Network ang kuwento ng mag-asawang overseas Filipino worker (OFW) na anim na taon nang nasa Tortola, British Virgin Islands sa Carribean.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via Facebook

Habang nasa dayuhan na bansa at naka-lockdown, hindi inasahan ng mag-asawang sina Lorenzo at Mary Vinuya na matatapos ang kanilang pag-iibigan dahil sa COVID-19.

Unang dumaing ng hirap sa paghinga si Mary. Asthma ang unang sabi nang magpa-checkup ang mag-asawa kaya pinauwi rin sila. Ngunit matapos ang tatlong araw ay lumala ang sitwasyon ni Mary.

Sa pangalawang pagkakataon ng pagpunta nila sa hospital ay saka pa lamang nalaman na positibo si Mary sa coronavirus. Tatlong araw lamang ang lumipas ay namaalam na ito at naiwang nagdadalamhati ang asawang si Lorenzo.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via Facebook

Dinala ni Lorenzao sa US Virgin Islands ang mga labi ng asawa para doon i-cremate dahil walang crematorium sa Tortola. Pagkatapos ay inilagay niya ito sa isang box o urn.

“Hindi ko matanggap, ang asawa ko, box na lang,” pagbabahagi ni Lorenzo. Upang maibsan ang kalungkutan at pangungulila sa asawa, naisipan ni Lorenzo Vinuya na balikan ang mga paborito nilang lugar na pinuntahan habang dala-dala ang abo ng kabiyak.

Magkasama ring umuwi ang mag-asawa sa Pilipinas, ngunit sa pagkakataong ito ay abo na lang si Mary na makararating sa mga anak.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via Facebook

Dahil galing ibang bansa si Lorenzo, hindi siya pinayagan na makalapit sa mga anak hangga’t hindi pa natatapos ang kaniyang 14-day quarantine. Hindi rin muna puwedeng mahawakan ng kanilang mga anak ang kahon kung saan nakalagay ang abo ng kanilang ina.

Mapapanood ang nakaaantig na video ng pagkikita ni Lorenzo at kaniyang pamilya ngunit may nakaharang sa pagitan nila. Maririnig sa video na hinahanap ng kanilang mga anak ang ina nila na si Mary.

Anim na taong OFW ang mag-asawa sa Tortola, British Virgin Islands sa Carribean. Electronic technician si Lorenzo, at housekeeper naman si Mary.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via Facebook

Pagkatapos ng kaniyang quarantine, plano ni Lorenzo ang pagpapalibing sa asawa. Bumili na siya ng bagong urn na paglalagyan ng mga labi ni Mary bilang paghahanda.

Labis naman ang paghanga ng kanilang mga anak sa pagmamahal ng kanilang ama para sa kanilang ina. Panoorin ang buong kuwento nina Lorenzo at Mary sa video na ibinahagi ng Juan Love:


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: