Makulay na skate park, bubuksan ng Manila City local government

  • Hindi man ganoon katanyag ang skateboarding dito sa bansa, mayroon pa ring mga kabataan ang tumatangkilik at naglalaro nito
  • Upang suportahan ang skateboarding dito sa bansa, magbubukas ang Manila City local government ng skate park na libre lamang para sa mga Pinoy
  • Inaasahang bubuksan ito sa publiko pagkatapos ng pandemya

Hindi man katulad ng mga bansa tulad ng America na halos karamihan ng mga kabataan at maski matatanda ay naglalaro o marunong sumakay sa skateboard, kakaunti lang sa mga kabataang Pinoy ang tumatangkilik dito.

Imahe mula Freepik

Isa na marahil sa mga dahilan kaya’t hindi tanyag ang skateboard rito sa bansa ay sa pagiging delikado ng skateboarding. ‘Di tulad ng pagbibisikleta, walang ibang hahawakan sa skateboard at tanging ang balanse lamang ang aasahan.

Bukod sa pagiging delikado nito, wala ring sapat na magandang daan dito sa bansa upang maging maayos ang skateboarding. Ganun pa man, itinanghal na gold medalist ang Cebuano skateboarder na si Margielyn Didal sa international skateboarding competitions.

Kaya naman upang suportahan ang skateboarding dito sa bansa, bubuksan ng Manila City local government ang isang makulay na skate park na libreng mapupuntahan sa Tondo, Manila.

Imahe mula Isko Moreno Domagoso Facebook page

Ito ay ang Vitas Skate Park, na inayos sa pakikipagtulungan ng Manila local govt. at ng public recreation bureau (PRB) ng lungsod. Ang pagbubukas ng skate park na ito ay ibinahagi sa Facebook page ni Manila City Mayor Isko Moreno.

“Inayos natin ang mga pasilidad upang magamit ng mga Batang Maynila at nawa’y makatulong sa paghubog ng mga susunod na skateboarding champions ng Maynila at ng ating bansa,” ani sa FB post ni Mayor Isko.

Ang skate park na ito ay bubuksan nang libre kapag natapos na umano ang pandemya at maaari na muling lumabas ang mga tao. Marami namang netizen ang natuwa sa balitang ito at inaabangan na ng nakararami.

Imahe mula Isko Moreno Domagoso Facebook page

Pinasalamatan ni Mayor Isko ang PRB at ang direktor nito na si Pio Morabe dahil umano sa kanilang ipinapakitang kasipagan at dedikasyon sa trabaho ng pagpapaunlad ng skate park.

Tuloy-tuloy lamang ang magagandang proyekto tulad nito dito sa bansa upang may tanawin sa hinaharap ang mga Pinoy na mayroong magagandang bagay na naghihintay sa kanila kapag natapos na itong pandemya.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: