Lalaki namigay ng libreng taho sa mga nakapila sa drive-thru COVID-19 testing
- Sa haba ng pila sa libreng drive-thru COVID-testing sa Manila, isang lalaki ang naisipang maglaan ng mabuting gawa para sa kapuwa
- Ang lalaki kasing ito na isang taho vendor ay namigay ng libreng taho sa mga nakapilang nais sumailalim sa drive-thru testing
- Ginawa ito ng lalaki upang makatulong kahit sa simpleng paraan lang sa gobyerno na nangasiwa ng libreng COVID-19 testing
Sa halos araw-araw na balita tungkol sa pagdami ng kaso ng COVID-19 dito sa bansa, hindi rin naman nauubusan ng good news na nagbibigay sa atin ng pag-asa sa gitna ng kinahaharap na pandemya.

Kamakailan ay binuksan ng Manila City government ang drive-thru COVID-19 testing na libre lamang para sa lahat ng Pinoy—residente man sa Manila o hindi.
Kaya naman madaling araw pa lamang ay dagsa na ang mga Pinoy na nais sumailalim sa COVID-19 testing sa pamamagitan ng drive-thru. Hindi pa sumisikat ang araw ay mahaba na ang pila sa drive-thru testing na limitado lamang ang kayang mai-test kada araw kaya naman pinipilahan ito ng marami.
Dahil umaga pa lamang ay mahaba na ang pila, naisip ng isang taho vendor na samantalahin ito upang mamigay ng libreng taho sa mga Pinoy na matiyagang pumipila para sumailalim sa testing.

Sa Facebook post ng media outlet na Philippine Star na may pamagat na “LIBRENG TAHO,” itinampok nila ang kuwento ni Gimmy Conod, isang taho vendor sa Quezon City, na libreng namigay ng kaniyang mga tindang taho sa mga motorista na nakapila sa drive-thru COVID-19 testing.
Sa ngayon ay mayroon nang dalawang drive-thru COVID-19 testing sa Manila; isa sa Quirino Grandstand habang ang isa naman ay sa Bonifacio Shrine. Sa shrine namigay ng libreng taho si Manong Gimmy.
Aniya na mangiyak-ngiyak pa, ito umano ang nakikita niyang paraan upang kahit sa maliit na bagay lamang ay makatulong din niya sa gobyerno na nangasiwa ng pagpapatupad ng libreng COVID-19 testing sa mga Pinoy.

Marami namang netizens ang humanga sa ginawang ito ni Manong Gimmy at hiniling na sana’y pagpalain siya ng Maykapal at protektahan na rin siya at ang kaniyang pamilya laban sa virus.
Maraming-maraming salamat, Manong Gimmy! Napakabuti mong tao!