Habang wala pang klase, mga estudyante sa Anao, Tarlac tumulong muna sa gawaing bukid upang kumita

  • Ibinahagi ng isang residente mula sa Tarlac ang larawan ng mga estudyanteng tumutulong muna sa mga trabaho sa bukid habang hindi pa nag-uumpisa ang klase
  • Sa kanilang pagtulong sa trabahong bukid, kumikita ang mga estudyanteng ito kada araw
  • Ani ng uploader, ibinahagi niya ang kuwento ng mga estudyante upang magbigay inspirasyon sa ibang Pinoy na may pag-asa pa rin sa gitna ng pandemya

Paano mo inuumpisahan at tinatapos ang iyong araw? Mula pagmulat ng mata sa umaga, hanggang sa pagpikit nito sa gabi, ano-anong bagay ang iyong nagawa at naisakatuparan sa isang buong araw?

Imahe mula kay Alvin Butay

Sa panahon ngayon na mayroon tayong kinahaharap na pandemya at lubos na naapektuhan ng krisis ang ating pamumuhay, mahalaga na gawing produktibo ang kada araw na mayroon tayo.

Kaya habang hindi pa nag-uumpisa ang klase, naisipan ng ilang estudyante sa Anao, Tarlac na tumulong muna sa gawaing bukid upang sila ay kumita at mayroong magamit na panggastos na masasabing sila mismo ang nagtrabaho para dito.

Sa Facebook post ni G. Alvin Butay, ibinahagi niya ang larawan ng mga kumakayod na estudyante sa bukid sa pamamagitan ng pagtatanim ng palay at ang kanilang dedikasyon na maging produktibo ang kanilang araw.

Imahe mula kay Alvin Butay

Ayon kay Alvin, na siya ring Office-In-Charge Municipal Agriculturist ng Anao, kumikita ang mga estudyante ng P300 kada araw sa kanilang gawain sa bukid.

Kuwento pa niya, tinanong umano niya ang mga estudyanteng ito kung alam ba ng kanilang mga magulang ang ginagawa nilang pag-ekstra-ekstra sa bukid.

“Ang sagot nila ay ‘wen sir imbag la nga adda ar-aramiden mi inggana kastoy paylang iti sitwasyon (opo sir, mas maigi nang may ginagawa po kami habang ganito po ang ating sitwasyon),'” pagbabahagi ni Alvin sa kaniyang FB post.

Imahe mula kay Alvin Butay

Ang mga nasabing estudyante ay sina Nigel Macaraeg, 20, Paul Caculitan, 17, Rendell Cabralda, 20, Villy Joe Daduyo, 18, at Isagani Saclin, 17.

Nang tanungin kung saan nila gagamitin ang mga kikitaing pera sa pagsasaka, ang sagot ng ilan sa mga estudyante ay pambili ng pagkain at pangangailangan ng kanilang pamilya at pera na rin nila sa darating na pasukan.

“Nag-post ako dahil gusto kong mahikayat ang iba pang kabataan, lalo ang mga estudyante na naapektuhan ng pandemya, na sa kabila nito ay marami tayong pwedeng gawin upang maging produktibo ang bawat araw,” ani Alvin.

Ang mga ganitong klaseng gawain ng kabataan na kahit na simple ay malaking tulong naman sa kanilang pamilya at para na rin sa kanilang kinabukasan. Ipagpatuloy lamang ang inyong kasipagan!


Loading...
Source :

Facebook

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: