Guro ipinagpalit ang kaniyang projector kapalit ng bond paper at printer ink para makagawa ng learning modules

  • Isang guro ang ipinagpalit ang kaniyang projector na limang taon niyang nagamit sa paaralan sa isang online barter
  • Ang ipinalit sa projector ay mga bond paper at printer ink na gagamitin ng guro upang gumawa ng learning modules na ibibigay sa mga estudyante
  • Ayon sa guro, nais niyang hikayatin ang mga magulang at estudyante na pumasok sa darating na pasukan sa pamamagitan ng pagbibigay ng modules

Nauuso na rin ngayon ang pagbabarter online o palitan ng gamit sa pagitan ng mga netizens na naghahanap ng partikular na bagay o produkto. Kaya ito ang naisipang paraan ng isang guro upang ipagpalit ang kaniyang ginagamit na projector.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Sa ulat ng 24 Oras ng GMA Network, itinampok nila ang kuwento ng gurong si Edelyn Nicol at ang dahilan kung bakit niya pinagpalit ang pinakaiingat-ingatang projector sa isang online barter.

Ani Edelyn na nagtuturo sa San Pedro, Laguna, naging kapalit ng kaniyang projector na limang taon niyang nagamit sa paaralan ang mga bond paper at printer ink na kaniyang gagamitin upang gumawa ng learning modules.

Ang mga learning modules na ito ay kaniyang ipamimigay sa mga batang estudyante upang matulungan ang mga ito sa darating na hybrid learning system sa pasukan.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

“Ang target ko po ay mga kinder, mga magsisimula pa lang mag-aral para ma-encourage silang pumasok,” ani Edelyn na ang layunin ay mahikayat ang mga estudyante at ang kanilang magulang na pinanghihinaan ng loob na mag-aral dahil sa pandemya.

“Tapos nagbigay po ako ng infographics na kung sino ‘yong mga may gusto na mga magulang na willing turuan ang kanilang anak sa bahay at magbibigay po ako ng mga libreng booklet sa kanila,” dagdag pa niya.

High school ang tinuturuan ni Teacher Edelyn ngunit pakiramdam umano niya na responsibilidad niyang mahikayat hindi lang ang HS studenta kundi maski ang iba pang estudyante sa iba’t ibang baitang.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

“Kasi po noong maliit pa po kami, I think I was high school noon, sa squatter’s area po kami before, may mga bata po doon na nagti-teacher-teacher-an lang,” kuwento ng guro.

“Tapos ngayon mga college graduate na rin po sila so sabi ko effecitive ‘to na kapag may nakikita silang isang tao na tumutulong sa kanila, nandoon ‘yong will nila na, ‘ay balang araw ganito rin ako,’”  dagdag pa niya.

Kahit gumastos o mapagod, ani Teacher Edelyn, sapat na umano ang natatanggap niyang mensahe ng pasasalamat ng mga magulang na ginamit ang ibinigay niyang booklet upang maturuan ang mga anak.

Samantala, bumuhos sa kanyang Facebook wall ang pagbati ng mga estudyanteng proud na proud sa kanya.

Maraming salamat at nawa’y pagpalain ka ng Maykapal, teacher Edelyn!

Nais n’yo siyang mapanood? Narito ang 24-Oras na video:


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: