Guro huminto muna sa pagtuturo upang magtinda ng almusal sa palengke

  • Kahit mahal niya ang pagtuturo ay napilitan ang isang guro na tahakin ang pagtitinda upang masuportahan ang pangangailangang pinansyal ng pamilya
  • Maaga pa lamang ay nagtitinda na ang nasabing guro ng almusal sa palengke at iba pang lugar
  • Ani ng guro, mas maganda ang kita niya sa pagtitinda na malaki ang naitutulong sa kanila

May mga pagkakataon na kailangan nating iwan o talikuran ang isang bagay na gusto nating ginagawa para sa isang responsibilidad na magbibigay ng malaking tulong sa ibang tao.

Imahe mula Bayan Mo, Ipatrol Mo Facebook page

Isa na marahil sa kalagayan na ito ay ang pagtalikod sa pinapangarap mong karera upang pasukin ang trabaho na magbibigay sa iyo ng mas malaking kita upang makatulong sa pamumuhay ng iyong pamilya.

Sa panahon ngayon ng pandemya kung saan ay maraming tao ang nawalan ng trabaho at kabuhayan, marahil mas maiging maghanap ng pagkakakitaan na mas malaki ang ganansya — kahit pa ibig sabihin nito ay pansamantalang pagtalikod sa kinahihiligang gawin.

Isa lamang ang kuwento ni Christian Joshua Arambulo na itinampok sa Bayan Mo, Ipatrol Mo ng ABS-CBN sa maraming kuwento ng mga Pinoy na pansamatalang tinalikuran ang nais na karera dahil sa pandemya.

Imahe mula Bayan Mo, Ipatrol Mo Facebook page

“Passion ko ang pagtuturo pero mas nananaig ang pangangailangan eh. Mahirap umalis pero kailangan pong gawin,” ani Christian na isang guro sa Sta. Maria, Bulacan.

Upang magkaroon ng mas malaking kita, pinili ni Christian na magtinda sa palengke kahit napakalayo nito sa kaniyang kurso.

“Kailangan nating maging flexible, maging handa sa pagbabago. Maging positibo sa buhay at patuloy lang na magtiwala sa Panginoon,” ani ng guro.

Maagang nag-uumpisa ang araw ni Christian na nagtitinda ng mga pang-almusal sa palengke at sa mga kalapit na gusali nito. Pagkatapos maubos ang mga almusal na ibinebenta, nagtitinda naman siya ng friend chicken at pagsapit ng tanghali ay karne naman ang kaniyang inilalako sa palengke.

Imahe mula Bayan Mo, Ipatrol Mo Facebook page

Ayon kay Christian, mas malaki umano ang kaniyang kinikita sa araw-araw dahil sa pagtitinda, at ito naman ang mahalaga sa panahon ngayon. At kapag nakapag-adjust na siya ay maaari naman niyang balikan ang pagtuturo.

Walang dapat ikahiya sa pagtitinda at kahit sinong tao ay maaari itong tahakin upang kumita dahil marangal naman itong trabaho.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: