Viral na bata na nag-enroll online gamit ang pisonet, mayroon palang nakalulungkot na kuwento

  • Sa isa na ngayong viral post, kinuwento ng netizen ang tungkol sa batang matiyagang nag-enroll online gamit ang pisonet
  • Kaya naman itinampok din ang kuwento ng bata sa 24 oras ng GMA News at napag-alaman ang tungkol sa kahirapan ng kaniyang pamilya
  • Ngayon ay ang tatay na lang niya ang kasama sa buhay dahil iniwan na sila ng kaniyang ina

Kung ikaw ay babad sa Facebook at updated sa mga viral post online, marahil ay nakita at nabasa mo na ang tungkol sa batang matiyagang nag-enroll online gamit ang pisonet.

Imahe mua kay Peter Salire De Guzman via Facebook

Ayon sa uploader ng litrato na si Peter Salire De Guzman, sasawayin na sana niya ang 12 anyos na si Jhonel Agner na nakita niyang nasa pisonet dahil lagpas na rin sa curfew at inakala niyang naglalaro lamang ito.

Ngunit nagulat si Peter nang makitang sinusubukan palang mag-enroll online ni Jhonel. At dahil paubos na rin ang baryang nakalaan sana upang siya ay maka-enroll, binigyan na lamang siya ni Peter ng limang piso.

Ang viral post na ito ay itinampok na rin sa 24 oras ng GMA News, at napag-alaman ang mas nakalulungkot pang kuwento ni Jhonel at ang kahirapan ng kaniyang pamilya.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Ani Jhonel, nalaman niya sa mga kaklase na malapit na ang deadline ng online enrollment, kaya gamit ang 5 piso ay nagmadali siyang pumunta sa pisonet. Ngunit dahil English ang mga tanong dito ay nahirapan siyang sagutan.

Hindi rin siya gaanong maasikaso ng kaniyang ama na nagtatrabaho nang paekstra-ekstra lamang sa pagkakabit ng tiles at pagpapalitada. Hiwalay na ang kaniyang mga magulang kaya hindi na niya nakikita ang kaniyang ina.

“Naaawa ho ako sa anak ko, ‘yung iba naman na ano niya hindi ko maintindihan, eh. Kaya sabi ko, ‘nak, ikaw na lang mag-enroll sa sarili mo, basta ako nandito lang ako suporta lang ako sa ‘yo,” ani ama ni Jhonel sa panayam.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Kinumpirma naman ng kaniyang paaralan na kabilang na si Jhonel sa listahan ng mga incoming Grade 7 students.

Habang kinakapanayam ay napaluha rin ang mag-ama. Ipinagmamalaki ng kaniyang ama si Jhonel samantalang gusto naman niyang makapag-aral upang pagdating ng araw ay makahanap umano siya ng magandang trabaho.

Mas lalong napaluha si Jhonel sa pangamba dahil online na ang pag-aaral dahil na rin sa pandemya. “Kahit ganito lang buhay namin, kaya ko pong mag-aral nang mabuti,” ani ng 12 anyos.

Ang tanging hiling na lamang umano ni Jhonel ay magkaroon siya ng gadget para sa darating na pasukan, at sa kabutihang-palad ay mayroon namang mga tao na nais siyang tulungan.

Panoorin ang buong ulat sa video na ibinahagi ng GMA News:


Loading...
Source :

Facebook, YouTube

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: