PNP sisiguraduhing hindi maaabuso ng anti-terrorism bill ang karapatang-pantao ng publiko

  • Sa isang panayam, nilinaw ni Police Brigadier General Bernard Banac ang ilang probisyon na nakasaad sa anti-terror bill
  • Aniya, sisiguraduhin ng kapulisan na hindi maaabuso ng nasabing bill ang karapatan at seguridad ng publiko
  • Mayroon din umanong karapatan ang sino man na maghain ng karampatang reklamo kung sa tingin nila ay nalabag ang kanilang karapatang-pantao

Kamakailan, nilinaw ni PNP spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac ang ilang mga nakasaad sa probisyon ng kontrobersyal na anti-terror bill. Aniya, titiyakin ng pulisya na hindi maaabuso ng bill ang mga karapatan ng publiko.

Imahe mula PNA

“Ang PNP po ay maghahanda, katuwang po natin ang Human Rights Affairs Office, para tiyakin sa ating publiko na hindi po ito maabuso. Nariyan po kami patuloy na magiging professional, disiplinado, susunod sa mga umiiral na batas para po tiyakin na wala pong maging paglabag,” ani Banac.

Paglilinaw pa ni Banac, ang bill na ito ay naglalayong balansehin ang “rights and order” sa bansa. “Ang nais lamang talaga ng ating pamahalaan, lawmakers, at maging ang ating law enforcement ang PNP ang mabalanse naman ‘yung ating mga karapatan at ‘yung pagkakaroon ng kaayusan,” dagdag ng PNP spokesperson.

Binigyang-diin rin niya na hindi maaaring basta na lang mandakip kaagad ng sino mang Pinoy ang mga awtoridad nang hindi ipinapaalam sa kaniyang pamilya o sa publiko. Obligado rin ang kapulisan na magsampa ng kaso laban sa pinaghihinalaang terorista sa unang araw pa lang ng pagkakaaresto nito.

Imahe mula PNA

“Hindi naman natin na basta-basta isasailalim sa surveillance ang ordinaryong mamamayan. Dadaan po ‘yan sa masusing pag-aaral,” dagdag pa ni Banac.

Sinabi rin niya na nakasaad sa bill na kung sino mang awtoridad ang lumabag sa karapatang pantao ng akusado ay maaaring makulong nang hanggang sampung taon.

“May karapatan ang mamamayan na maghain ng karampatang reklamo kung sa tingin nila ay nalabag ang kanilang karapatang-pantao,” paglilinaw ni Banac.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: