Netizen, taas-noong ipinagmalaki ang kanyang tatay na jeepney driver

Imahe mula sa Twitter | @hyabendana
  • Taas-noong ipinagmalaki ng isang netizen ang kanyang tatay na jeepney driver
  • Sa kabila raw kasi ng pagod at nakukuhang kalyo sa pamamasada, ni minsan daw ay hindi ikinahiya ng kanyang ama ang pagiging isang tsuper
  • Makikita naman sa viral post ng netizen ang litrato ng kanyang ama habang namamalimos ng kaunting tulong dahil sa kawalan ng trabaho ngayong quarantine

Ang hindi maiiwasang pagtagaktak ng pawis at pagsulong sa malubhang trapiko ay ilan lamang sa mga nakasanayang karanasan ng isang jeepney driver sa kanyang araw-araw na pamumuhay. Bago kasi lumaganap ang COVID-19 pandemic, talagang nakagisnan na ng mga ordinaryong Pilipino ang pagsakay sa dyip upang makapunta sa trabaho o sa eskwelahan. Sa katunayan, ang dyip ay isa sa mga pinaka-esensyal na pampublikong transportasyon sa bansa.

Ngunit alinsunod sa ipinatupad na community quarantine, pansamantalang ipinagbawal ng gobyerno ang biyahe ng mga pampublikong sasasakyan kaya daan-daang mga tsuper tuloy ang nawalan ng trabaho. Kabilang na rito ang tatay ng isang netizen na nagpahayag ng kanyang madamdaming saloobin tungkol sa isyung ito.

Imahe mula sa Twitter | @hyabendana

Sa viral post na inupload ni @hyabendana sa Twitter, ibinida niya ang litrato ng kanyang ama na ngayo’y namamalimos ng kaunting tulong sa lansangan. Makikita rin doon ang kapirasong karton sa likod ng kanyang ama kung saan may nakasulat na: “Kaunting tulong lang po. Kami po ay mga driver ng jeepney.”

Sabi pa ni @hyabendana sa post, ni minsan daw ay hindi ikinahiya ng kanyang ama ang pagiging jeepney driver at taas-noo niya rin itong ipinagmamalaki.

“Kahit mahirap kami, taas-noo ang tatay ko. Ni minsan di n’ya kinahiya ang pagiging jeepney driver. Kahit na amoy usok sa buong araw na pamamasada, kahit puro grasa ang kuko nya, kahit na puro kalyo ang kamay nya. Kasi may dignidad sa pamamasada, sa pagsisikap, sa pagtatrabaho,” saad niya.

Agad namang nag-viral ang kanyang post na umabot na sa mahigit 50,800 likes at 15,400 retweets. Umani rin ito ng samu’t saring komento mula sa iba pang Pinoy.

Imahe mula sa Twitter | @ROBSPAIN3

“Kabahagi ng tagumpay natin ang mga drivers dahil sila ang naghahatid sa atin papuntang paaralan nung tayo’y nag-aaral pa at nung makatapos na tayo ng pag-aaral, sila rin ang naghahatid sa atin para makarating sa ating pinagtatrabahuhan. Saludo po kami sa inyo,” komento ni @ROBSPAIN3.

Bukod pa rito, nanawagan din si @hyabendana sa iba pang netizens na tumulong sa mga tsuper sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga donation drives na inilulunsad ng iba’t ibang organisasyon sa social media.