Mula P20, magkakaibigan nakalikom ng P4-M na ibibigay sa mga lugar na naapektuhan ng COVID-19

  • Sa kagustuhan ng dalawang magkaibigan na matulungan ang mga lugar na labis na naapektuhan ng pandemya, inumpisahan nila ang isang donation drive
  • Tinawag na #MayTwentyAko, ang unang hangad lang ng proyektong ito ay makalikom ng P2,000 mula sa mga bente pesos na donasyon
  • Hanggang ang simpleng inisyatibo na ito ay mas lalong lumaki at nakalikom ng P4M at nakatulong sa mas maraming Pinoy

Ano ang ambag mo?

Imahe mula May Twenty Ako via Facebook page

Naging makabuluhan ang tanong na ito sa maraming Pinoy nang mag-umpisa ang pandemya. Dahil maraming mahihirap na lugar sa bansa ang lubos na naapektuhan  ng COVID-19 pandemic, marami ring mga Pinoy ang nais mag-abot ng tulong upang mapagaan ang kanilang buhay.

Kabilang na ang magkaibigang sina Erika Ente at Charisse Parchamento sa mga nais gampanan ang kanilang tungkulin sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng paglulunsad ng proyektong tinawag nilang #MayTwentyAko.

Sa kagustuhang mabigyan ang mga mahihirap na residente sa kanilang lugar ng mga hand sanitizer, ang tanging layunin lang nina Erika at Charisse sa kanilang donation drive na #MayTwentyAko ay makalikom ng P2,000.

Imahe mula May Twenty Ako via Facebook page

Ngunit ang simpleng inisyatibo na ito ay may malakas palang hatak sa nakararaming Pinoy na nais magbigay ng kanilang “ambag.” Sa unang araw nang ito ay ipalaganap, nakatanggap ang programa ng P5,000; sobra-sobra pa sa inaasahan nila.

Mula Twitter hanggang Facebook, mas lalong lumawak ang naabot ng mensahe ng donation drive na ito hanggang sa umabot sa P30,000 ang kanilang natanggap na mga donasyon. Dahil dito, mas marami pang lugar at mga tao ang kanilang natulungan.

“We were able to buy bread and other groceries that we have distributed to informal workers in Malabon, Navotas, Valenzuela, and Bulacan,” ani Erika.

Imahe mula May Twenty Ako via Facebook page

Ngayon, ang grupo na nagsimula lamang sa dalawang magkaibigan ay mas lalong lumaki at nagkaroon na ng 13 miyembro, at ang pinakabata sa kanila ay 12 anyos.

Ang kampanyang #MayTwentyAko ay nagkaroon din sa ibang lugar tulad ng North Caloocan, Pampanga, at Cavite. At hindi lang mga pamilya ang kanilang natulungan, kundi nakapag-donate din ang grupo ng mga medical supply at pagkain sa mga frontliners.

Imahe mula May Twenty Ako via Facebook page

Sa ngayon, nakalikom na ang grupo ng nasa mahigit P4 million; apat na buwan simula nang ito’y umpisahan. Ang ganito kalaking halaga ay hindi umano inaasahan nina Erika at Charisse nang simulan nila ang programa.

Ngayong buwan, ang #MayTwentyAko ay nakatulong na  sa mahigit 1,500 na mga pamilya at 40 na mga hospital sa loob at labas ng Metro Manila.

Ikaw, saan aabot ang bente pesos mo?


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: