Lalaki na na-stranded sa Metro Manila, makauuwi na sa probinsya sa tulong ng viral post ng isang netizen

  • Makauuwi na sa probinsya ang isang lalaki na umano’y mahigit dalawang buwan nang na-stranded sa Metro Manila matapos abutan ng Luzon lockdown
  • Ito’y sa tulong ng viral post na ibinahagi ng isang netizen sa social media
  • Dali-dali namang nagpakita ng concern ang mga Pinoy at humanap ng paraan para muling makapiling ng lalaki ang kanyang pamilya

Sa kabila ng mga negatibong epekto ng social media, hindi maitatanggi na marami pa rin ang natutulungan nito lalo na pagdating sa pagpapalago ng negosyo at pagbibigay-alam sa ilang importanteng usapin sa lipunan. Karamihan din sa atin ang kasalukuyang nananatili lamang sa bahay at gumagamit ng internet para makausap ang ibang kamag-anak na nasa malalayong lugar.

Imahe mula sa Facebook | La Loy

Ngunit bukod sa mga dahilang ito, nagiging instrumento rin ang social media upang ipabatid sa publiko ang sitwasyon ng ilan nating kababayan na nangangailangan ng ating tulong. Halimbawa na rito ang isang lalaki na umano’y mahigit dalawang buwan nang na-stranded sa Metro Manila matapos abutan ng Luzon lockdown. Kinilala siyang si Avelardo Nebria, 39 anyos, at mula sa Anda, Pangasinan.

Sa kabutihang palad, isang netizen ang nakakita sa lalaki at nagmagandang loob na tumulong sa pamamagitan ng pagpopost sa kanya sa Facebook.

“Stranded at naka-stay sa may Footbridge Estrella Makati. Need lang makauwi sa pamilya n’ya sa may Pangasinan at 2 months mahigit na raw sya dito sa Metro dahil naabutan ng lockdown. Baka may gusto po magbigay ng libreng sakay at hatid. Marami pong salamat,” saad ni La Loy sa kanyang viral post.

Makikita rin doon ang kapirasong kariton sa likod ni Nebria kung saan may nakasulat na: “Sir/Madam, loobin ninyo po sana na ako’y ambunan ng konting tulong habang naghihintay ng byahe pa-probinsya. Maraming salamat po!”

Matapos kumalat sa social media, agad namang nagsimulang humanap ng paraan ang iba pang netizens para matulungan si Nebria. Hindi nagtagal, isang Facebook user na may-ari raw ng isang car rental at transport services company ang nagpadala ng mensahe kay La Loy at nagsabing sila na raw ang bahalang maghatid sa na-stranded na lalaki.

Imahe mula sa Facebook | La Loy

Ibinahagi naman ni La Loy sa isa pang post ang mensahe ng user at nagpasalamat ang netizens sa kabutihang loob nito.

“Nakakatuwa naman.. buti may naghatid na sa kanya. God bless La Loy and sa owner po ng transport services na naghatid,” sabi ni Faye Susie. “Galing mo gurl. I salute you. Nakaka-proud ang ginawa mo. Thank you na din dun sa naghatid. Marami pa din talaga ang may mabubuting kalooban. God bless,” saad naman ni Mitz Despa.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: