Kasambahay ni Iza, naging emosyonal nang matanggap ang susi ng bahay ng aktres

  • Hindi na napigilan pa ng aktres na si Iza Calzado na maging emosyonal nang balikan ang sakripisyo ng kasambahay na si Donna Garcia
  • Bilang simbolo ng pagiging bahagi ng pamilya nila, binigyan ni Iza si Donna ng susi ng kanilang bahay
  • Napaluha si Donna sa ginawa ni Iza at pinasalamatan ang amo sa pagmamahal nito sa kanya

Isa sa pinakamalalaking hamon na sumubok sa katatagan ng aktres na si Iza Calzado ay ang labang kanyang hinarap nang tamaan siya ng COVID-19. Sa mga sandaling ito, bukod sa kanyang pamilya ay may isang tao pang nanatili sa kanya — ang kasambahay nilang si Donna Garcia.

Image captured from ABS-CBN Entertainment’s YouTube video

Sa unang episode ng Paano Kita Mapasasalamatan na pinamumunuan ng host na si Judy Ann Santos sa Kapamilya Channel, itinampok ang kuwento ni Donna na itinuturing na “angel” ni Iza.

Sa gitna ng panayam, hindi na napigilan pa ng aktres na maging emosyonal nang balikan ang mga sakripisyo ng kasambahay. Ani Iza, nang makumpirma na tinamaan siya ng COVID-19 ay pinauuwi na si Donna ng kanyang pamilya, pero pinili nitong manatili doon.

Iza Calzado tests positive for COVID-19, talent manager confirms

“Si Donna ang tumayong tagapag-alaga ng bahay namin, at nalaman ko lang pag-uwi ko na noong time pala na iyon [na may COVID-19 ako], pinauuwi na pala siya ng pamilya niya. Siyempre, worried sila sa kanya. Hindi ko maiaalis iyon dahil ikaw, alam mong mayroon kang kamag-anak na posibleng na-expose sa COVID, magwo-worry ka rin. Noong sinabi niya iyon, na-realize ko na pinili niyang mag-stay, pinili niya iyong pamilya namin. Malaking bagay iyon sa akin,” aniya.

Dagdag pa ni Iza, “Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung wala siya rito, 16 years old lang iyong kapatid ko. Hindi niya pa kayang patakbuhin itong bahay nang mag-isa.”

Wika ni Donna, ipinaunawa niya sa kanyang mga mahal sa buhay na kailangan niyang manatili sapagkat kailangan siya ni Iza.

“Ang hirap po, e. Mas pinili kong mag-stay kahit ayaw ng anak ko. Pinaliwanag ko, kailangan din ako ng amo ko,” wika niya.

Image captured from ABS-CBN Entertainment’s YouTube video

Bilang simbolo ng pagiging bahagi ng pamilya nila, binigyan ni Iza si Donna ng susi ng kanilang bahay.

“Donna, paano ba kita mapasasalamatan? Hindi ko alam kung sapat ba ang mga salita, ang yakap, at kung anuman na puwede kong ibigay sa iyo. Ang dami mong isinakripisyo para sa amin. Sa amin mo ibinigay iyong pagmamahal mo at taos-puso akong nagpapasalamat. Hindi mababayaran iyon kahit na alam kong employer mo ako at empleyado kita,” aniya.

“Pinatunayan mo na hindi lang employer-employee ang relationship natin, posibleng maging iisang pamilya tayo. At dahil doon, sana tanggapin mo ang isang simbolo na ibibigay ko sa iyo. Ito ay ang susi ng bahay. Bahay natin ito. Dahil anuman ang mangyari sa buhay, saan man tayo dalhin nito, tandaan mo na may susi ka sa bahay namin. Parte ka ng bahay na ito. Dahil iyan sa pagmamahal at malasakit na ibinigay mo sa amin,” wika pa ng aktres.

Lumuluha naman itong tinanggap ni Donna. Buong pusong tugon niya, “Maraming-maraming salamat po, Ma’am, sa pagmamahal at tiwala mo sa akin.”

Narito ang nakaaantig na video ng ABS-CBN kung saan pinasalamatan ni Iza ang kasambahay na si Donna dahil sa pananatili nito sa kanyang pamilya habang pakikipaglaban siya noon sa COVID-19:


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: