‘Gusto ko sana magka-mini museum kaso…’: Toy enthusiast ipagbibili na ang koleksyon para maitawid ang pangangailangan sa gitna ng COVID crisis

  • Sa gitna ng COVID-19 crisis, napilitan na ang isang toy collector na ibenta ang kanyang mga laruan
  • Ibinahagi ni Carlo Patrick Torres kung paano siya nagiging masaya ngunit malungkot din sa tuwing may maipagbibili siyang laruan na bahagi ng kanyang koleksyon
  • Pangarap daw niyang magkaroon ng mini toy museum ngunit kailangan niyang pakawalan ang mga ito para maitawid ang kasalukuyang sitwasyon

Hindi madali para sa marami ang pagtawid ng pang-araw-araw na pamumuhay sa gitna ng COVID-19 crisis na kinahaharap ng bansa; may mga nawalan ng trabaho, may mga hindi makapasok sa trabaho, may mga hindi muna makapagtatrabaho dahil hindi pa makapagpatuloy ang mga idustriyang kinabibilangan nila. Dahil dito, may mga bagay sila na kinakailangang isakripisyo.

Image captured from Facebook

Kabilang ang  toy collector na si Carlo Patrick Torres sa mga taong malaki na ang ibinigay para lamang maitawid ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon.

Sa Facebook, ibinahagi niya kung paano siya nagiging masaya ngunit malungkot din sa tuwing may maipagbibili siyang laruan na bahagi ng kanyang koleksyon.

“Indeed, some things come to an end,” wika niya. “Masaya at malungkot ang nararamdaman ko tuwing nakakabenta ako ng mga laruan ko. Kasi naaalala ko ang iba na pinaghirapan mabili galing ibang bansa at ‘yong iba talagang inabangan ko kapag nagbubukas pa lang ang mall.”

Pagbabahagi niya, malalim ang pinaghuhugutan ng pagmamahal niya sa kanyang koleksyon. Simula sa pagiging isang bata na wala pang kakayahang bumili ng sarili niyang laruan, unti-unting niyang pinagsikapang matustusan ang hilig niya sa mga ito.

“Toy collecting is not an easy hobby. Naalala ko noong bata at maliit pa ako, hindi ako mabili ng mga magulang ko ng ibang mga laruan na gusto ko, tulad ng Transformers at G.I.Joe. Pero buti na lang naintindihan ko sila at ang sitwasyon namin noon, na sapat lang ang kinikita ng magulang ko para sa pag-aaral namin,” kuwento niya.

Image captured from Facebook

“Moving forward, 2007 ako na-inspire mag-collect ulit since graduate na ako at may trabaho na. Bumibili ako pa-isa isa hanggang sa ma-kumpleto ko bawat toyline na gusto ko. Nagtitipid ako sa meals tapos gagastos nang malaki sa laruan. Sasabihin ng ibang tao na madami daw ako pera, pero ang totoo, sapat lang at may naka-budget kaunti para sa hobby,” pagpapatuloy niya.

Pangarap sana ni Torres na magkaroon ng isang mini toy museum–ngunit dumating ang krisis. Isang araw, nagising na lamang siya na kailangan na pala niyang pakawalan isa-isa ang mga laruang bahagi ng kanyang koleksyon.

“Since freelance ako at madalas na projects ko are from events, wala masyado projects at income na pumapasok. Para lang makapagpaikot ng pera, may pangkain na din, at may reserved money, kinailangan ko na magbitaw ng ibang laruan sa toy collections ko,” aniya. “Gusto ko sana magkaroon ng mini-museum, pero mukhang hindi na mangyayari. Mayroon din ako mga playsets at classic figures nabenta na since last month pero hindi ko lang nai-post.”

Gayunman, nananatili pa rin matatag at positibo ang Pinoy toy collector.

“Maraming nahihiharapan (pati ako) sa pandemic situation natin ngayon. Pero magdasal at magtiwala tayo na maaayos ang lahat. Stay sane, stay safe, and God bless,” wika niya.


Loading...
Source :

Facebook

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: